(JOEL O. AMONGO)
UMAABOT sa 500 estudyante ng University of Rizal System (URS) sa Brgy. San Jose, Montalban, Rizal ang tumanggap ng tig-P7,500 bawat isa sa ilalim ng Tulong-Dunong Program (TDP) ng Commission on Higher Education (CHED) noong Miyerkoles, Setyembre 11, 2024.
Ang pamamahagi ng tulong-pinansyal ay pinangunahan ni Rizal 4th District Representative Fidel Nograles, kasama sina Dr. Florante Mercado, Campus Director; Dr. Nancy Pascual, University President; Dr. Allan Conde, Vice President Academic Affairs at iba pang CHED officials.
Sa pagsisikap at tulong ni Nograles ay muling umarangkada ang panibagong batch ng 500 CHED Tulong-Dunong scholars kung saan ang bawat mag-aaral ay nakatanggap ng P7,500 per semester.
Ayon kay Nograles, ang tulong-pinansyal ay para makaagapay sa patuloy na pag-aaral ng mga kabataan para sa kanilang kinabukasan at sa mga susunod na mga henerasyon na mamumuno sa bansa.
Sinabi pa ni Nograles na hindi siya magsasawa sa pagtulong sa mga kabataan ng Montalban para makapag-aral.
Aniya, sa ilalim ng kanyang Future Natin program ay sisikapin niyang makahanap ng katuwang para makapagbigay ng tulong-pinansyal sa mga gustong makapagtapos ng kolehiyo na mga kababayan sa Montalban.
Kasabay nito, nagbigay ng mensahe si Nograles sa mga mag-aaral na tumatanggap ng P7,500 kada semesters na tumbasan ng sipag at tiyaga sa pag-aaral upang makapagtapos ng kolehiyo at makapagtrabaho para makatulong sa pamilya at komunidad.
Sa panayam naman kay Franceska Miranda, 3rd year BS Education English ng Brgy. San Isidro, Montalban, nagpapasalamat siya na may katulad ni Nograles na may malasakit sa katulad niyang estudyante.
Aniya, malaking bagay ang katulad niyang nakatatanggap ng P7,500 kada semester, dahil nakatutulong ito sa kanyang mga gastusin sa pag-aaral.
Sinabi pa niya na dahil sa natatanggap niyang tulong-pinansyal ay lalo siyang nagpupursige na magtapos ng pag-aaral.
Banggit pa niya na bihira ang oportunidad na kanyang tinatamasa ngayon sa pamamagitan ni Nograles na naisama siya na nabibigyan ng tulong pinansyal.
Nagpasalamat din si Charlemagne Denise Chua, 3rd year BSBA-Marketing Management ng Brgy. San Jose dahil muli siyang nakatanggap ng P7,500 tulong pinansyal.
Ayon pa sa kanya, nagiging inspirado siya at lalo pa niyang pinagsisikapan ang kanyang pag-aaral dahil sa tulong na kanilang natatanggap mula kay Nograles.
Kaya naman, suportado nila ang mga aktibidad ni Nograles tulad ng mga isinasagawang tree planting.
78