OFW SA KUWAIT, BIGLAANG PINAUWI SA PILIPINAS NG AMO

BIGLAANG pinauwi sa Pilipinas ng kanyang amo ang isang OFW sa Kuwait na si Cornelia Castillo. Dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) si OFW Cornelia na suot lamang ang kanyang tsinelas at ang kanyang uniporme na ang tanging nabitbit lamang ay ang kanyang pasaporte.

Ayon kay OFW Cornelia, sinabihan lamang siya ng kanyang employer na bumaba sa kanilang bahay at sumama sa driver para magpa-book ng ticket. Noong tinanong niya kung bakit siya kailangan na umuwi sa Pilipinas ay sinabihan ito na magtutungo ang buong pamilya ng kanyang amo sa London.

Noong kanyang tinanong ang kanyang mga gamit na dapat na dalhin, sinabihan lamang ito na magpapa-book lamang sila. Ngunit laking gulat niya nang dalhin siya ng kanilang driver sa Kuwait International Airport at doon na lamang ibinigay ang kanyang pasaporte. Maging ang kanyang wallet na naglalaman ng kanyang pera ay hindi man lamang niya nadala pauwi ng Pilipinas kung kaya dumating ito sa NAIA na walang dalang kahit isang kusing na sentimo.

Makaraang makalabas sa NAIA ay agad itong sinalubong ng kanyang anak at sinamahan siya na magtungo sa Dream Builder Manpower Agency ngunit hindi naman ito inasikaso. Dahil dito ay agad na tumawag sa aking telepono ang kanyang anak upang humingi ng saklolo.

Agad-agad tayong nakipag-ugnayan sa Overseas Workers Welfare Administration – Legal Department at pinatungo roon si OFW Cornelia at ang kanyang anak. Dapat na matutunan ng ahensya ang tamang pakikitungo at pagtrato sa kanilang mga dine-deploy na OFW lalo na sa panahon ng kanilang pangangailangan na katulad ng pinagdaraanan ni OFW Cornelia.

Kung kaya hindi ko masisi si Department of Migrant Workers Susan Ople kung bakit ganoon na lamang ang kanyang paghihigpit sa patakaran ng pangangalaga sa mga OFW dahil sa mga pinagdaraanan ng mara­ming OFW mula sa kamay ng mga ahensyang walang malasakit at ang tanging iniisip lamang ay ang kanilang kinikita.

Pasintabi rin naman sa mga ahensya na totoong naghahangad ng magandang serbisyo sa ating mga OFW na kabilang sa bagong tatag na samahan ng mga ahensya, agency welfare officer, advocates, kilala sa tawag na Special Alliance of Welfare Officers, Advocates, Recruiters and Migrant Workers (SWARM), na pinamumunuan ng abogado ng mga OFW na si Attorney David Castillon.

Kabilang sa mga programa ng SWARM ay ang regular na pagtuturo o seminar para sa welfare officers ng mga ahensya upang gabayan ang mga ito kung paano i-monitor at asikasuhin ang bawat OFW na dini-­deploy ng kanilang ahensya. Malinaw sa panuntunan ng SWARM na ang pangangalaga sa mga OFW ay dapat maging pangunahing tungkulin ng mga ahensya at gayundin ang pagtuturo o paggabay sa mga ­responsibilidad at karapatan ng bawat OFW at ahensya.

***

Kung kayo ay may gustong isumbong o bigyan ng papuri ay maaari po kayong sumulat sa ating AKO-OFW sa email address na drchieumandap@yahoo.com.

356

Related posts

Leave a Comment