2 OFW SA DOHA NA MINAMALTRATO NG MGA AMO, TUMAKAS

Aksyon OFW

HUMIHINGI ng tulong sa AKOOFW Inc. ang kabayaning si OFW Joann Bayno ng Orani, Bataan dahil minamaltrato umano siya ng kanyang among babae sa Doha, Qatar.

Nagsisilbing kasambahay si OFW Joann at tagapag-alaga ng isang anak ng mga amo nya sa loob ng apat na buwan.

Sinabi ni OFW Joann na dalawang buwan na siyang wala sa amo mula nang siya ay tumakas.

Sa unang mga buwan daw nya sa amo, mababait naman ang mga ito pero nang tumagal na ay minamaltrato na sila ng kanyang kasamang domestic helper.

Halos 24 oras umano silang gising at kung patutulugin naman ay saglit lang para magtrabaho na muli.

Bukod sa puyat, hindi rin sila pinapakain at hindi sila pwedeng ­magluto ng pagkain dahil pinagbabawalan silang basta iwanan ang alaga nilang bata.

Ginagawa raw silang laruan ng kanilang alagang bata na nag-iisang anak ng mga amo nila.

Minsan daw ay nagsisigaw ang bata dahil naiinis sa nilalaro niya kaya nilapitan sila ng among lalaki at inaambaan silang sasampalin dahil maingay ang anak.

Palagi rin umanong galit, nagmumura at sinisigawan sila ng among babae dahil pinagbibintangan silang nagnanakaw ng pagkain at mga alahas.

Kapag ipinagtatanggol daw sila ng among lalaki ay sobrang nagagalit sa kanila ang asawa nito at nadadamay na sila sa away.

Humingi siya ng tulong sa local at foreign recruitment agencies nila pero ‘di sila natulungan hanggang sa tumakas sila.

Bumalik daw ang kasama niyang OFW sa agency at pinagtrabaho sa iba’t ibang amo na nagmamaltrato rin sa kanya kaya gusto na rin nitong umuwi ng Pilipinas dahil sa hirap na nararanasan niya.

Inireklamo rin ni OFW Joann ang Phil. Embassy sa Doha na umano’y hindi sila pinapasok at inasikaso na kung saan mag-a-avail daw sana sila ng amnesty na ibinigay ng pamahalaang Qatar.

Natatakot din silang lumapit sa Embassy dahil baka ibalik lang sila sa agency.

Hindi na umano kayang magtrabaho ni OFW Joann dahil sa may sakit din siya.

Agad nating ipinadala ang kwento ni OFW Joann kay Dok Chie Umandap ng AKO OFW Inc. para aksyunan ang kanyang request.

***

Bad News!

PHL, todo higpit ang testing at quarantine requirements sa mga international passenger simula Dec. 3.

64 Overseas Filipinos mula sa red list countries, naka-quarantine na, ayon sa BOQ.

Mga Pinoy sa Austria, nadiskaril ang pag-uwi sa Pilipinas ngayong pagdiriwang ng kapaskuhan dahil sa Omicron variant at pagtaas ng bilang ng COVID-19.

Good News!

6 sa 29 Pinoy seaman na na-stranded ng 6 buwan sa karagatan ng China, balikbayan na. Verification guidelines para sa deployment ng OFWs sa Saudi Arabia, rerebyuhin ng POEA.

Nitong Dec. 1, 2021, nag-inspeksyon ang mga tauhan ng POLO-OWWA sa accommodation ng Abdullah Al Othaim Real Estate and Investment Company sa Riyadh, KSA. Ang kumpanya ay nag-submit ng job order na humihingi ng deployment ng 25 workers.

Ang kumpanya na mismo ang humingi sa POLO ng pabor na magbigay ng Post-Arrival Orientation Seminar (PAOS) sa mga ­parating na manggagawa nila para alam ng mga ito ang kanilang mga karapatan at responsibilidad sa trabaho.

Nangako naman ang HR Manager ng kompanya na matatanggap ng mga OFW ang kanilang mga benepisyo at irerespeto ang mga karapatan nila base sa batas ng Saudi Arabia.

Maraming salamat po, Asst. Labor Attaché Ton Mutoc sa overtime mo sa onsite verifications. Isa kang ehemplo ng mga kawani ng pamahalaang Duterte.

Para sa inyong reaksyon, opinyon at komento, i-send lang sa dzrh21@gmail.com.

267

Related posts

Leave a Comment