22 LIBONG MANGGAGAWA MAWAWALAN NG TRABAHO

PRO HAC VICE

Mawawalan na ngayon ng saysay ang pagsusumikap ng pamahalaan na makahanap pa ng karagdagang trabaho para sa mga Pinoy na walang trabaho kung tuluyan na ngang ipasasara o ipatitigil ni Pangulong Rodrigo Duterte ang operasyon ng Small Town Lottery (STL) at lotto outlets sa bansa.

Batay sa pag-aaral aabot kasi sa mahigit sa 22 libong mga manggagawa o trabahante ng STL at lotto outlets, at kung ‘yan ay tuluyan nang ipasasara ni Pangulong Duterte madadagdag ang mahigit sa 22 libong bilang na walang mga trabahong Pinoy.

Baka naman puwedeng ang lahat na lang na mga opisyal ng Philippine Charity Sweeptakes Office (PCSO) na lang ang sibakin mo dahil sa sinasabi mong katiwalian na nagaganap sa remittance ng STL at lotto outlets, at least ilan lang ang mga ‘yan.

SI VP ROBREDO AT ANG OSG

Bakit ganoon si Vice President Maria Leonora “Leni” Santo Tomas Gerona-Robredo kung magparatang sa Office of the Solicitor General (OSG) parang hindi makita ang kanyang pagkaabogada?

Pararatangan ba naman ni VP Robredo ang OSG na marami raw pending cases na alam naman niya bilang abogada na hindi nagreresolba ng mga kaso ang OSG dahil ito ay nagsusulong lamang ng mga kaso ng pamahalaan sa korte o ‘di kaya’y sa ilang quasi judicial body at hindi nila kasalanan na maraming mga kaso silang hawak dahil sa ‘di pa ito nareresolba.

Paalaala lang po na ang PNP ay gobyerno rin kaya maaari ring humingi ng legal opinion ang PNP sa OSG bilang abogado ng pamahalaan, ‘di po ba?

Huwag po kayong padala sa sulsol ng iba, dahil galit lang ang mga iyan sa OSG kaya sinubuan kayo.

At bakit naman po ‘yung election case ni dating Bongbong Marcos (BBM) na nakabinbin sa Supreme Court bilang tumatayong Presidential Electoral Tribunal (PET) laban sa inyo eh nadamay pa sa paratang ninyo sa OSG?

‘Di ba naman malinaw na ang OSG ay abogado ng pamahalaan at si dating Sen. BBM ay isang private indivi­dual kaya paano mapapakialaman ng OSG ‘yung kasong ‘yan?

At alam mo namang mayroong mga abogado si BBM at kalaban pa nga nila r’yan sa kaso ay OSG dahil sangkot d’yan ang Commission on Elections. (Pro Hac Vice /  BERT MOZO)

114

Related posts

Leave a Comment