3 MAYOR NG PASAY

MALINAW ang probisyon sa ilalim ng Local Government Code na nagtatakda lamang ng isang punong ehekutibo sa bawat lokalidad, batas na tila napaglaruan sa Pasay City kung saan may tatlong gumaganap na alkalde – sina Mayor Emi Calixto-Rubiano at dalawang kaanak na kumokolekta sa mga ka-transaksyon ng pamahalaang lungsod.

Sa impormasyong nakalap ng Insider, ang dalawang iba pang “mayor” ng Pasay ay hindi iba kay Mayor Emi Calixto-Rubiano at kilala sa tawag na Tere at Prince na ­kapwa kamag-anak ng alkalde.

Ang siste, karamihan ng mga opisyal na transaksyon sa Pasay City Hall, hindi na nakarating sa tunay na alkalde dahil ‘yan mismo ang gusto ni Tere na lintek mambukol maski sa barya-baryang supply contracts. Pati ang pagpapasya kung sino ang dapat gawaran ng kontrata, pinapelan ni Tere na malinaw na paglabag sa Government Procurement Act na nagtatakda ng public bidding sa mga proyekto at programa ng gobyerno.

Bulong pa ng impormante, tumataginting na 15% ang kinukultab na SOP dapat bayaran bago pa man lagdaan ng kanyang tiyahin ang kontrata. Susmaryosep! Hindi naman pala katakawan!

Ang nakakalungkot na bahagi ng kanyang pagpusturang reyna sa lungsod ay garapalang pambubukol nito sa iba pang opisyal na pwer­sahang pinapapirma sa mga dokumento dahil utos’ daw yun ng kanyang tiyahing alkalde.

Hindi pa sa kontrata nata­tapos ang kanyang impluwensya. Maging sa pagtatalaga ng mga tao, sa kanya rin bumabagsak na tila ba wala nang iba pang gagawin ang tunay na alkalde kundi lumagda sa mga dokumentong inihahain ng talipandas niyang pamangkin.

Bukod kay Tere, mayroon pang isa – si Prince na direktang kausap ng mga kapitalistang Tsino sa likod ng mga eksklusibong bahay aliwan sa lungsod ng Pasay.

Sadyang tigasin si Prince na lingguhang tumatanggap ng payola sa mga ­estab­li­simyentong kanyang ­pinahintulutang mag-operate – may pandemya man o wala.

Lubos akong naniniwala sa integridad ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano. Sa aking pakiwari, hinding-hindi niya nanaising dungisan ng kanyang mga kaanak ang ­iningatan niyang pa­ngalan.

Ang nararapat niyang gawin – linisin ang kanyang bakurang ginagahasa ng mga taong hindi rin naman iba sa kanya. Pero hindi sapat na mawala lang sina Tere at Prince sa eksena. Dapat sa kanila, papanagutin sa kalapastanganan sa paggamit ng kanyang busilak na pangalan.

 

2

Related posts

Leave a Comment