31st SEA Games, tuloy na

MATUTULOY na ang 31st Southeast Asian Games, na dapat sana’y idadaos sa Nobyembre 21 hanggang Disyembre 2, 2021 sa Vietnam subalit ipinagpaliban dala ng COVID-19 pandemic.

Napag-alaman ng SAKSI NGAYON kay Philippine Olympic Committee President Abraham “Bambol” Tolentino, tiniyak ng host Vietnam na magaganap ang tuwing ikalawang taong palaro sa kalagitnaan ng Mayo 2022, ayon sa napagkasunduan sa huling pulong (virtual) ng mga miyembro ng Southeast Asian Games Federation noong Lunes, Oktubre 18.

“Wala pang definite na date, but the good news is, tuloy na ang Games at ang mga additional details will be discussed and finalized in our next meeting in November,” ayon kay Tolentino, kinatawan ng lalawigan ng Cavite sa Mababang Kapulungan.

“Lahat ng napagkasunduan noong aming nakaraang miting, bago ma-postpone ang Games, will stand,” dagdag ng pangulo rin ng Philippine Cycling Federation.

Gaya nang napagkasunduan noong mga nakaraang miting, 40 sports na may 520 events ang paglalabanan ng mga pinakamagagaling na atleta mula sa 11 miyembrong bansa sa Timog Silangang Asya.

Ang Hanoi ang pinaka-pangunahing lugar ng paligsahan bagama’t may mga sports at events ding magaganap sa iba’t ibang lalawigan ng Vietnam.

Ang 40 sports na ­paglalaban-labanan ay 16 na mas maliit kaysa kabuuang 56 noong 30th edition na ginanap sa Pilipinas noong 2019, kung kailan tinanghal na overall champion ang bansa matapos humakot ng 149 ginto, 117 pilak at 120 tanso para sa kabuang 386 medalya.

Pumangalawa ang mga Vietnamese na nakatipon ng 98 golds, 85 silvers at 104 bronze medals. Pumangatlo ang Thailand (92-103-128), sinundan ng Indonesia (72-84-111), Malaysia (55-58-72), at Singapore (53-46-69).

Ang Myanmar, at Cambodia na host ng 2023 SEAG, ay kapwa may tig-apat na gintong medalya, samantalang may 2 golds ang Brunei at ang Laos ay may 1 gold. Bigo naman ang Timor-Leste na makapag-uwi ng kahit isang ginto bagama’t nakapagbulsa ng 1 pilak at 5 tanso.

“Cambodia will host the 32nd edition in 2023 and they want to have at least a year’s window for them to prepare,” paliwanag ni Tolentino kung bakit tumiklop ang Vietnam sa May 2022 date.

“Initially, they wanted the opening ceremony to be on May 5 or earlier, pero nakumbinse ko ang kanilang kinatawan sa ­miting na magbigay ng isang linggong palugit because we will be holding our presidential elections on May 8. They understood me naman, kaya they finally granted my request,” pagbabahagi ng POC chief na ‘di pa tiyak kung tatakbong muli sa Kongreso o babalik sa pagiging Mayor ng Tagaytay City sa 2022 elections.

Nang tanungin ng SALA SA INIT, SALA SA LAMIG kung sapat na ang panahon upang ihanda ang mga Pilipinong atleta na ipagtanggol ang pangkalahatang kampeonato sa 31st SEAG, ito ang kanyang naging tugon:

“Katatapos pa lamang ng Tokyo Olympics kung saan naiuwi ang kauna-unahan nating gold medal sa Games, kaya palagay ko inspirado at determinado ang ating mga atleta na ituloy ang ating winning streak. Like what we did the last time we hosted the Games, we’ll surprise them.”

Dagdag pa niya: “Noon pa namang hindi pa napo-postpone ang Games, iniisip ko na kung ano ang gagawin natin para maulit yun. Well, maybe we won’t be able to emerge as overall champion again, alam naman natin ang SEA Games, friendship muna before competition. Pero tinitiyak ko sa ‘yo, hindi tayo aalagwa sa pang-anim o pampito gaya ng mga nakaraang taon. Third overall won’t be bad.”

100

Related posts

Leave a Comment