$37-B REMITTANCES NG OFWs TUMBASAN SANA NG LIVELIHOOD PROGRAM

AKO OFW ni DR. CHIE LEAGUE UMANDAP

NAKATUTOK ang buong bansa sa ginanap na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) upang mapakinggan at alamin ang mga programa at proyekto na ipinagkakaloob at ipagkakaloob pa lamang ng Marcos administration.

Taon-taon ay nakatutok ang tenga ng mga OFW upang alamin kung ang sektor na kanilang kinabibilangan ay kanilang maririnig na banggitin ng ating pangulo.

Hindi nga nabigo ang mga OFW lalo na nang bigyan-diin ni PBBM ang kanyang pasasalamat sa mga OFW. Ipinagmalaki pa nga ng Pangulo na $37 bilyon ang naiambag ng mga OFW sa pamamagitan ng remittances nito na dumaloy sa ekonomiya ng ating bansa.

Kaya hindi kataka-taka na namayagpag nang husto ang industriya ng real estate, schools and colleges, supermarkets, manufacturing, food industry na pinagkakagastusan at awtomatikong tinatangkilik ng mga pamilya ng mga OFW.

Ang halos 1.9 trilyong piso na katumbas ng 37 bilyong dolyares na dumaloy sa ekonomiya ng ating bansa ay ginastos ng mga pamilya ng mga OFW para sa kanilang pangangailangan na sa bandang huli ang lahat ng ito ay mapupunta sa kaban ng ating gobyerno sa pamamagitan ng capital gain tax, documentary tax, Value Added Tax (VAT) at iba pang taxes na ipinapataw ng gobyerno.

Ipinagmalaki ni PBBM na ilan sa mga inihandog ng gobyerno ay ang pagkakaroon ng OFW Lounge sa NAIA 1 at 3 na napakikinabangan at ikinasaya ng paalis na mga OFW.

Ngunit nahati naman ang opinyon ng mga OFW na ang ilan ay hindi nasisiyahan na ang naging kapalit lamang ng remittances nila ay ang OFW Lounges, Seafarer’s Hub at ang assistance sa mga distressed OFW.

Kasama ang AKO-OFW na nanawagan na bilang pagkilala sa ambag ng mga OFW, dapat na mas palawakin o dagdagan pa ng ating Department of Migrant Workers at OWWA ang mga livelihood at reintegration program.

Sa kasalukuyan kasi ay ang Tulong Puso Livelihood grant lamang ang na-avail ng mga OFW na hindi nakaranas ng pagmamaltrato dahil bukas ito para sa mga grupo ng mga dating OFW, active o hindi aktibong miyembro ng OWWA.

Marahil ay dapat na ring magbukas ang DMW ng No-collateral Livelihood loan para sa mga individual na OFW bilang pagkilala sa kanilang ambag sa ating ekonomiya.

Sino kaya sa DMW at OWWA ang magpapasimula ng NO-COLLATERAL LIVELIHOOD LOAN Program para sa mga indibidwal na OFW?

***

Kung ikaw ay OFW o pamilya ng OFW na nangangailangan ng tulong o pagsaklolo, ipadala lamang ang buong impormasyon sa aming email address na akoofwpartylist@yahoo.com o saksi.ngayon@gmail.com

75

Related posts

Leave a Comment