39K COVID-19 CASES NAITALA SA ISANG ARAW?

NAKABABAHALA na ang mabilis na pagtaas ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa.

Sa impormasyon na nakuha ng PUNA mula sa Department of Health (DOH) nitong nakaraang Enero 15, 2022 ay nakapagtala ng 39,004 na bagong kaso ng COVID-19 sa loob lamang ng isang araw sa bansa.

Ang bilang na ito ay pinakamataas na kaso nang magsimula ang COVID-19 noong Marso 2020.

Sa petsang ito, mayroong naitalang 23,613 na gumaling at 43 ang namatay.

Sa kabuuang bilang ng mga naitalang kaso ay 8.9% (280,813) ang aktibong kaso, 89.5% (2,834,708) ang ­gumaling at 1.67% (52,858) ang namatay.

Walong (8) laboratoryo ang hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS).

Kinabukasan Enero 16, bagama’t bumaba nang kaunti ay nakapagtala pa rin ng mga bagong kaso ng COVID-19 na 37,154 sa isang araw.

Nakakaalarma pa rin ito.

Aabot ng 30,037 ang gumaling at 50 ang binawian ng buhay.

Sa mabilis na pagsipa ng COVID-19 lalo na sa Metro Manila, maraming mga negosyo ang napaparalisa dahil marami sa kanilang mga manggagawa ang nagpopositibo sa virus.

Kaya kulang ang produksyon ng kanilang mga produkto, kung kaya’t ang ilang mga bilihin ay nagtataas ng presyo.

Sa katunayan, ang iba pang opisina ng gobyerno ay limitado rin ang pumapasok na mga empleyado tulad ng Bureau of Immigration (BI).

Kamakailan, inihayag ng BI na 30% lang ng kanilang mga empleyado ang pumapasok dahil apektado rin sa bagong Omicron variant ng COVID-19.

Kung hindi makikipagtulungan ang taumbayan sa pagsunod sa minimum health standards na ipinatutupad ng gobyerno ay magpapatuloy ang malalang problema natin sa COVID-19.

Siyempre kasabay niyan ang pagbagsak ng ekonomiya ng bansa.

Mapipilay kasi ang operasyon ng mga opisina ng ­gobyerno, pribado at mga pagawaan kung magpapatuloy ang ganitong karaming kaso ng COVID-19 araw-araw.

Kailangan dun sa mga hindi pa nababakunahan, ‘wag na po kayong magdalawang isip na magpaturok dahil ‘yan po ang magiging proteksyon niyo sa virus.

Hindi po para sa ating sarili lang kundi para na rin sa kapakanan ng ating mga mahal sa buhay, kaibigan at mga katrabaho.

Ngayon ay hindi pa natin alam kung hanggang kailan pa tatagal ang COVID-19 na ito.

Kailangan po nating magkaisa sa iisang layunin na malagpasan natin ang virus na ito.

Samahan po natin ng dasal sa Panginoon na kaawaan po tayo na mawala na itong COVID-19.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0919-259-59-07.

124

Related posts

Leave a Comment