BISTADOR ni RUDY SIM
SA kabila ng mahigpit na giyera ng pamahalaang Marcos sa POGO ay tila nababahiran ng katiwalian ang nangyaring pagpapalaya ng Bureau of Immigration sa 41 foreign nationals na hinuli ng pinagsanib ng puwersa ng Philippine Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) noong October 31 sa Central One Bataan, Inc. sa Bagac Bataan, na mayroon umanong illegal online gambling, kung saan ay aktong nahuli ang mga dayuhang walang kaukulang permits.
Ayon sa natanggap na impormasyon ng Bistador, halos ayaw umanong pakawalan ng PAOCC ang kanilang hinuling POGO workers dahil ito ay kasalukuyan pang iniimbestigahan, ngunit ito ay hiniling ng BI na palayain? Sino kaya ang makapangyarihang opisyal ng gobyerno ang nag-utos kay Commissioner Joel Viado para madaliin ang pagpapalaya sa nahuling foreigners?
Gaano kaya katotoo, mga parekoy, na itong si Kume Viado ay nagkukumahog na iniutos sa legal division na gawin ang “Bail Order” kahit ang petition for bail ay pinapanotaryuhan pa at wala pang filing fee? Anong klaseng review kaya ang ginawa dito ng technical assistant ni Kume na si Atty. Cano? Magcano? Hmm… Anyare? Aba halos isang buwan pa lamang sa puwesto itong si Viado pero bakit tila pinangunahan ang Pangulong Bongbong Marcos Jr. at ang PAOCC na responsable ngayon sa paghuli sa POGO workers!
‘Di umano ay hindi pa agad na pinalaya ang 41 dayuhan at dahil sa pagmamadali nitong si Kume ay tila hindi nito naisip na hindi pa bayad ang filing fee pero natapos na at napirmahan na nito umano ang order na palayain ang mga dayuhan.
Hindi umano pinagbayad ng piyansa ng BI ang 41 dahil wala raw kakayahan ang mga ito na makapagbayad ng piyansa dahil ang katwiran ay mahihirap lamang o indigent? Really? Paano mo sasabihin, Kume Viado, na walang kakayahan eh may kompanya ang mga kumag! Aba sinong pinagloloko nitong si Viado! Aba, naloko na! Ika nga ng mga empleyadong umasang may pagbabago sa bagong itinalaga ni Secretary Boying Remulla, ay sablay pala at tila nabudol ang karamihan na akala’y may pagbabago na matapos ang delubyo sa panahon ng dating namuno sa ahensya.
Bakit ganoon na lamang kabilis nagawa ang order ni Kume na wala pang petition at hindi pa nakababayad ng filing fee sa gobyerno ay napirmahan mo na!! Aba, lintek! Mas masahol pa yata ngayon kaysa nagdaang Kume ng BI na sinibak ng Pangulo dahil sa katiwalian sa ahensya… Anong meron. bakit tahimik itong si Remulla sa pinaggagawa ng bata niya? Teka! Gaano kaya katotoo na abogado itong si Kume ng dating kalaban ni PBBM?
Bilang pasasalamat umano ni Viado sa mga nautusang abogado sa legal division na gumawa agad ng order at nag-overthink este, overtime pala na inabot na ng gabi, ay nagpakain naman daw itong si Mang Joel sa kanila at nagpadala ng pagkain mula sa Aristocrat! Ilang manok kaya? Eh ‘di langhap-sarap to the bones itong si Kume!!
Ang tanong muli ay bakit ganito kabilis na halos nakapikit itong si Kume na pumirma sa order at tila hindi na tiningnan kung ilang dayuhan ang sinasabi nilang walang kakayahang magbayad ng piyansa? Sino kaya ang kumita? Imbestigahan!
Samantalang sa araw-araw ay maraming pamilya ng mga dayuhang nakakulong sa Bicutan na nakararanas ng kalupitan at korupsyon, maging ang mga pasaherong halos magmakaawa na mapirmahan ang kanilang papeles dahil nasasayang ang kanilang ticket, ay tila walang konsensya itong mga hinayupak na opisyales at ilang staff ng Ocom na ang katwiran ay “for review” kahit ang ang totoo ay naghihintay ng padulas! Mabuti at kaya nilang ipakain sa kanilang pamilya ang perang galing sa masamang paraan! Ang kadalasang nangyayari dito sa BI ay natatabunan na ang mga papeles na inabot na ng ilang buwan o taon na hindi nabibigyan ng aksyon pero itong sa 41 illegal Pogo workers ay minadali.
Sa 41 dayuhang pinalaya ng BI ay karamihan umano ay mga Malaysian at Chinese na ayon sa ating napag-alaman ay malakas ang kanilang backer na isang mataas na opisyal ng gobyerno. Biktima rin kaya itong nasibak na Kume Tan5 na nawala sa puwesto, upang masolo ng ibang sindikato ang kitaan sa ahensya? Sec. Remulla, bakit tahimik ka samantalang noong panahon ng nasibak na Kume na si Tan5, ay panay meow meow mo sa harap ng media?
Alam kaya ito ng Malacañang? Mr. President! Tama lang ba na pinagkatiwalaan mo si Remulla na inilagay sa puwesto itong si Viado? Dapat imbestigahan ito ng Palasyo kung tama ang naging desisyon ni Kume na palayain nang libre ang 41 dayuhan. Senator Risa Hontiveros!! Ngayon ka mag-imbestiga!
May pag-asa ba na mabago pa ang matagal nang maruming kalakaran sa ahensya at laging umaasa ang mga ordinaryong empleyado ng BI sa isang mamumuno dito na may malasakit para malinis ang masamang imahe ng ahensya sa matagal na panahon.
(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
111