43 NCRPO COPS INIIMBESTIGAHAN SA ILLEGAL DRUGS

PUNA Ni Joel Amongo

MATULDUKAN na kaya ang pagkakasangkot sa illegal drugs ng mga kagawad ng pulisya?

Nitong nakaraan, inihayag ni P/Lt. Col. Dexter Versola, spokesperson ng National Capital Region Police Office (NCRPO), 43 miyembro nila ang iniimbestigahan dahil pinaghihinalaang nasasangkot ang mga ito sa ilegal na droga.

Ayon sa pahayag ni Col. Verzola sa isang television interview, may binuo silang adjudication board na hahawak ng kaso ng 43 miyembro ng NCRPO.

Matatandaan kamakailan sa isang press conference na ginanap sa Camp Crame, Quezon City, umapela si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos sa lahat ng full coronels at generals na maghain ng kanilang courtesy resignation.

Ang hakbang na ito ay ginawa ni Abalos matapos na ikanta ni Police Master Sergeant Rodolfo Mayo na may mga kagawad pa ng pulisya ang nasa likod ng kanyang ilegal na aktibidad.

Si Mayo ay nahuli sa buy-bust operation sa Maynila noong Oktubre na nagresulta sa pagkakakumpiska sa kanya ng P6.7 bilyong halaga ng shabu.

Ayon sa impormasyon na nakuha ng PUNA, si Mayo ay ibinalik sa PNP Drug Enforcement Unit matapos hilingin ng isang mataas na opisyal ng pulisya.

Siyempre, kung isang opisyal ng pulisya ang nagpabalik kay Mayo sa PDEG, alam na ng mga awtoridad kung sino ang kanilang tutumbukin.

Naniniwala ang PUNA na magagaling ang ating mga awtoridad pagdating sa ganyang trabaho na pag-iimbestiga.

‘Yan ay kung magiging makatotohanan lamang sila sa kanilang gagawin at wala silang sisinuhin kahit sino pa man ang masagasaan sa kanilang imbestigasyon.

Nadadamay na ang buong hanay ng PNP dahil sa iilang gumagawa ng masama, kaya mas makabubuti kung paninindigan ng pamunuan ng pulisya na linisin talaga nila ang kanilang organisasyon.

Ihiwalay ang bulok sa maayos para hindi nadadamay ang buong puwersa ng pulisya.

‘Wag n’yong panghinayangan ang kasamahan n’yo na sumisira sa nakararami sa inyo.

Kawawa ang pulis na nagtatrabaho laban sa ilegal na droga na nagbubuwis ng buhay dahil mismo ang kasamahan n’yo ay nasa panig ng sindikato.

Kamakailan ay nag-react si PNP chief, Gen. Rodolfo Azurin sa sinabi ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na ang “ninja cops” na nasasangkot sa recycling ng drugs ay muling bumalik.

Sa ganoong karaming ilegal na droga na nakaimbak sa kanyang lending company sa Maynila, saan kumukuha ng shabu si Mayo?

Kilala si Mayo na nakatalaga bilang intel ng PDEG na ang operasyon ay laban sa ipinagbabawal na droga.

Kamakailan, sinabi ni Abalos na may bubuuin silang 5-man committee na hahawak ng mga pulis na nasasangkot sa illegal drugs.

Sana hindi ito maging ningas-kugon dahil nakasalalay dito ang kaligtasan ng buong sambayanang Pinoy.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com.

 

25

Related posts

Leave a Comment