46% NG MGA PINOY TIWALANG UUNLAD ANG KANILANG BUHAY

OPEN LINE Ni BOBBY RICOHERMOSO

ISA sa magagandang balita na lumabas kamakailan ay hinggil sa resulta ng survey na ginawa kamakailan ng Social Weather Station kung saan lumabas na 46 porsyento ng mga Pilipino ang nagpahayag ng tiwala at pag-asa na uunlad ang kanilang buhay sa loob ng darating na 12 buwan.

Hindi masyadong nabigyan ng prominence ang nasabing survey dahil nga sa mas malalaking balita tulad ng pagdalo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa 77th United Nations General Assembly sa New York, at maging sa isyu kung dapat pa bang manatili sa bansa ang Philippine Offshore Gaming Operations o hindi na.

Sa kabila nito, maituturing na isang positibong development ang resulta ng survey na ito na ginawa ng SWS nitong nakaraang Hunyo.

Nagpapakita kasi ito na ­masyadong mataas ang inaasahan at tiwala ng mga tao sa pamumuno ni PBBM at alam nilang gagawin niya ang lahat para mapaunlad ang kanilang pamumuhay.

Apat na porsyento naman ang nagsabi na magiging mas mahirap pa sila sa loob ng nasabing panahon.

Dahil dito, nakakuha ang administrasyong Marcos ng tinatawag na net personal optimism score na +42, na tinagurian ng SWS na “excellent” o kahanga-hanga sa Tagalog.

“The June 2022 net personal optimism score is 3 points above the very high +39 in April 2022.

It is similar to the excellent +42 in December 2021, and just 2 points below the pre-pandemic level of excellent +44 in December 2019,” sabi ng SWS.

Sa nasabi ring survey na may 1,200 respondents, ay 40 por­syento ang nagsabi na mananatili ang kanilang estado samantalang 11 porsyento naman ang hindi nagbigay ng categorical na sagot.

Ang isang mahalagang factor kaugnay ng nasabing survey, ay ginawa ito sa panahon na alam na mga tao at naproklama na ng Comelec si PBBM bilang susunod na pangulo ng bansa.

Kaya lumalabas na ang survey ay nakatuon at patungkol na sa kakayahan ni PBBM na pamunuan nang maayos ang Pilipinas sa darating na taon at ang resulta ay affirmation ng suporta ng mga tao sa kanya.

Kung may isa pang kapansin-pansin sa resulta ng SWS survey ay ang “excellent” results na nakuha mula sa mga respondent na mula sa sektor ng college at high school graduates at iba pang lebel ng mga mag-aaral.

Indikasyon ito na mataas ang kumpiyansa nila na maaari silang makakuha ng trabaho ­pagkagaling nila sa kanilang mga paaralan na paraan naman para makatulong sila sa kani-kanilang pamilya.

Kaya naman dahil sa resultang iyan ay obligado talaga ang administrasyong Marcos na kumayod nang husto para patunayan sa taumbayan na hindi sila nagkamali na siya ay inihalal sa kanyang puwesto.

Masuwerte lang talaga ang mga Pinoy sapagkat kitang-kita naman na talagang desidido si PBBM na baguhin at paunlarin ang kalagayan ng bansa lalo’t higit ang mahihirap nating mga kababayan.

Katunayan nga niyan ay siya mismo ang namumuno sa Department of Agriculture upang sa ganoon ay mabigyan niya ng pansin ang ahensya at maibigay ang lahat ng suporta sa ating lokal na mga mangingisda at magsasaka.

Kapag napaunlad niya kasi ang sektor ng agrikultura ay magkakaroon ng food sufficiency ang bansa at mawawala na rin ang mga nagugutom at naghihirap na mga Pilipino.

Marami pang dapat gawin ang gobyerno ni PBBM para makamit ang pangarap na mas maunlad na bansa at mamamayan, pero ang importante ay tiyak ang dedikasyon at hangarin niya na matupad ang mga ito.

Related posts

Leave a Comment