55 BANSA SA MUNDO NAGUGUTOM, PINAS KASAMA

LUMABAS sa pagdinig ng House of Representatives sa Proposed Budget for FY 2021 ng Department of Agriculture (DA) kamakalawa (July 8, 2020) na kasama na kakapusin ng pagkain ang Pilipinas.

Sinabi ni DA Secretary William Dar na sa taong 2019 pa lang ay 55 bansa na o katumbas ng 135 milyong katao ang nakakaranas ng kawalan ng kapanatagan sa pagkain (acute food insecurity).

At sa nakalipas na apat (4) buwan ay umabot na sa nakakaalaramang report ang isinumite ng Food and Agriculture Organization (FAO) na bilang ng mga tao na nakakaranas ng matinding kawalan ng kapanatagan sa pagkain.

Sa report na ito ay kasamang apektado ang Pilipinas na ang nagpabigat ay ang hindi pagsuporta ng mga nakaraang administrasyon sa mga magsasaka sa bansa.

Ito ang lumabas sa inilunsad kamakailan na 2020 Edition of the Global Food Crisis Report of the Food and Agriculture Organization (FAO) at iba pang partner organizations.
Nakaranas sila ng kakapusan ng pagkain bago pa man dumating ang pandemic sa buong mundo na dala ng COVID-19.

At siyempre mas lumala lalo na ngayon dahil halos hindi na makakilos ang mga tao dahil sa takot nila na mahawaan sila ng COVID-19.

Balik po tayo sa pagdinig kamakailan sa panukalang budget ng DA para sa taong 2021. Humihingi sila ng 280 bilyong pisong pondo  sa ­kongreso.

Mahigit sa isang daang milyong (109M) katao na ang populasyon na bansa ang pakakainin ng Department of Agriculture (DA).

Inamin mismo ni Sec. Dar na nababahala siya sa mga numero, malinaw na hindi ligtas sa banta ng kagutom ang bansa.

Ayon pa sa kanya, ang banta ng gutom sa buong mundo ay tunay at nararamdaman na ngayon dahil sa patuloy na banta ng COVID-19.

Ang hinihinging budget  na 280 bilyong piso ng agriculture department ay para sa taong 2021 pa, sana bago pa sumapit ang nasabing taon ngayon pa lang sikapin na nilang masuportahan ang mga magsasaka.

Para hindi tayo humantong sa “AANHIN PA ANG DAMO, KUNG WALA NA ANG KABAYO?”

Kamakailan inilabas natin dito sa PUNA na hindi na nagbebenta ng bigas ang Vietnam dahil prayoridad nila ang kanilang mga kababayan.

Inaasahan ng gobyerno na ang Vietnam ang kanilang pagkukunan ng bigas bilang buffer stocks para sa lean months na nagsimula nitong July at tatagal hanggang Setyembre.

Ngayon dahil hindi nakabili ng bigas sa Vietnam ibig sabihin walang stocks ng bigas sa mga warehouses ng gobyerno.

Sa kabila nito, ay tiniyak pa rin ni Agriculture Sec. Dar na hindi tayo kakapusin pagkain. Ika nga nila pwede pa ring humirit ng unli-rice ang lahi ni Juan.

Sana totoo yan baka mamaya, press release lang yan na hindi tayo kakapusin ng bigas.

Tiniyak din niya na sa kabila ng pananalasa ng African Swine Fever (ASF) sa Pilipinas ay sapat pa rin ang supply natin ng karneng baboy.

Makakatikim pa rin ng l­itson baboy at hamon ang lahi ni Juan sa darating na Pasko ngayong taon. Kung tutuusin hindi naman sana magugutom ang Pilipinas kung talagang pagtutuunan ng pansin ang pagtulong sa mga magsasaka.

Malalawak ang sakahan ng bansa  kaya lang ang sektor ng mga magsasaka ay hindi nabibigyan ng pansin ng gobyerno.

Sila ang nagtatamin at nag-aalaga ng mga hayop para may bigas at ulam tayo kaya dapat ‘wag natin sila isangtabi.

Sana bigyan sila ng prayoridad ng gobyerno ang magsasaka dahil pag wala silang itinanim at inalagaang hayop ay wala rin tayo kakainin.

Sana nga mag-iba na ngayon ang trato sa mga magsasaka, kasi malinaw na ngayon na pag-umasa pa tayo sa importation ng bigas ay magugutom lang tayo.

Iisa lang ang pahiwatig nyan na dapat ‘wag tayo umasa sa pagbili ng bigas sa ibang bansa. Ang  kailangan natin ay magtanim ng sarili nating palay.

Kung susuportahan ng ­gobyerno ang mga magsasaka sa mga sumusunod na taon ay hindi na natin kailangan pang umasa sa importasyon ng bigas sa ibang bansa.

Kung sa suporta lang mula kay  Pangulong Duterte ay talaga nga namang full support siya sa ating mga magsasaka kaya ang bola ay nasa kalihim na ng agriculture kung paano niyang ipasasa ang susporta na yan.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email ­joel2amongo@yahoo.com at operario@gmail.com.

84

Related posts

Leave a Comment