57% NG PINOY MASAYA SA KANILANG LOVE LIFE

HINDI sa nais namin na kayo ay paalalahanan, ngunit yaring Valentine’s Day ay may hatid ding kalungkutan.

Ngayong Araw ng mga Puso, hindi lahat ng rosas ay pula, hindi lahat ng violet ay bughaw.

Bago pa man dumating ang pulang araw, inihayag ng Social Weather Stations (SWS) na 3 sa 10 o 30 porsyento umano ng mga Pinoy ang nakaranas ng unrequited love o pagmamahal na hindi nasuklian.

Masakit sa damdamin. Nagmahal, umasa, ngunit luha ang napala.

Isa sa 3 o 33 porsyento naman ng mga Pinoy ay inamin ang kanilang pagmamahal sa kanilang kaibigan, subalit hindi lahat ng I love “beshie”, ay may tugong I love you too “bes’ dahil 50 sa mga nagpahayag ng kanilang nararamdaman sa kanilang kaibigan ay binasted.

Mapagbiro si Kupido. Hindi lahat ng pinakakawalan niyang palaso ay tumatama sa puso.

Gayunman, may kilig moment naman ang survey dahil 57 porsyento ng adult Pinoy ay sobrang saya sa kanilang love life.

Gayunman, 25 bahagdan ang nagsabing sana ay maging mas masaya sa kanilang buhay pag-ibig.

Ibinunyag din ng survey na 17 porsyento ay walang love life.

Walang relasyon na perpekto. Hindi natuturuan ang puso na umibig. Masalimuot. Saya at lungkot ang resulta, na dapat paghandaan at tanggapin nang maluwag, mabigo man dahil mas mabuti na ang nagmahal kesa hindi kailanman nakaranas paano umibig.

Sa iba, walang Happy Valentine, ngunit hindi ito dahilan upang sumuko dahil ang pag-ibig ay habambuhay na bumubukal sa dibdib.

May nakalaan para sa lahat. Kung hindi ngayong Valentine, baka sa sunod na Araw ng mga Puso, o baka sa ordinaryong araw. Maaari namang maging valentine ang lahat ng araw ng buong taon.

Huwag mawalan ng pag-asa. Ang nawala ay hindi kawalan ika nga.

113

Related posts

Leave a Comment