DPA ni BERNARD TAGUINOD
SA isang parliamentary debate sa House of Common sa Great Britain noong Pebrero 19-20, 1771, tinawag ni MP (member of parliament) Edmund Burke sa kauna-unahang pagkakataon, ang media bilang Fourth Estate sa parliament.
Ang unang tatlong Estate na sinabi ni Burke ay ang Lords Spiritual, Lords Temporal at ang Common na sa makabagong panahon ay tinawag na Legislative, Executive at Judiciary, at ang media raw ay may mas mahalagang papel sa demokrasya kaysa tatlong ito.
Mula noon tinawag na 4th Estate ang media na makapangyarihan daw dahil sila ang nagsisiwalat ng mga katiwaliang kinasasangkutan ng unang tatlong estado, mga batas na makakaapekto sa mamamayan at mga nangyayari sa lipunan.
Sa isang kanta naman ni Gary Granada na “Bahay”, inilarawan nito ang diyaryo na isa sa pinagpala sa mundo kasama ang Pulpito o taong simbahan at kapag may isyung sine-sensational ng media, paktay ang mga sangkot, opisyal man o ordinaryong mamamayan.
Pero ngayong panahon ng social media, mukhang meron na tayong 5th Estate. Sabi nga ng may-ari ng X na dating Twitter, na si Elon Musk, ang netizens na ang bagong media ngayon dahil lahat ay puwede nang mag-report, lahat ay puwede nang magsabi ng kanilang opinyon, lahat ay puwede nang bumatikos.
Noong hindi pa uso ang internet, tanging sa radio, telebisyon at diyaryo lang umaasa ng impormasyon ang mga tao na kinakalap ng mga reporter na kailangang tapos ng Journalism, Broadcasting at iba pang related courses.
Kapag nabigyan ang isang reporter ng pagkakataon na magkaroon ng kolum, bonus na lang ‘yun at sa kolum nila naisasapubliko ang kanilang opinyon sa iba’t ibang isyung panlipunan, hindi lang sa loob ng kanilang bansa kundi sa ibayong dagat.
Pero ngayon, halos lahat ay umaaktong reporter at kolumnista gamit ang social media at mas malulupit sila kaysa tunay na mga mamamahayag kapag nagbitiw sila ng opinyon dahil hindi naman ine-edit ang kanilang mga isinulat at walang nagbabantay sa kanila na organisasyon kapag nagbo-broadcast na sila.
May mga Hao Siao na tinatawag sa media. Sila ‘yung may mga ID na kasing laki ng pamaypay na napulot lang nila noong pinabili sila ng suka, tambay sa mga beat, nangongotong pero hindi mo naman nababasa ang kanilang mga sulat sa mainstream media, pero ang netizens, biglang magpa-pop up sa social media accounts ko ang kanilang mga pinagsasabi lalo na kung may gumagastos sa kanila para ikalat ang kanilang mga maling impormasyon at opinyon sa mga taong gobyerno.
Oo nga’t may cyber libel law para panagutin ang netizens sa kanilang iresponsableng mga opinyon pero walang silbi dahil imbes na mag-ingat ang mga nag-aaktong mga reporter ay lalong pa silang lumala dahil itinatago nila ang kanilang pagkakakilanlan.
Palagay ko, walang batas na pwedeng pumigil sa 5th Estate sa pagpapakalat ng fake news, paghahati sa mamamayan imbes na pagkaisahin, at paninira sa isang tao na walang basehan sa isang demokrasyang bansa tulad natin, pero sa ibang mga bansa tulad ng China, hindi sila uubra dahil hindi sila democratic country kundi communist country.
83