6 MILYON PAMILYANG PINOY MAGKAKABAHAY NA!

OPEN LINE Ni BOBBY RICOHERMOSO

HINDI natin masisisi ang napakaraming mahihirap nating mga kababayan na makadama ng kalungkutan at kabiguan dahil sa araw-araw na dinaranas nilang kahirapan at iba pang mga hamon sa buhay.

Likas naman sa ating mga Pilipino ang pagiging mapagtiis at handa nilang isakripisyo maging ang sarili nilang kaligayahan at kapakanan, basta makita lamang nila na naitataguyod nang maayos ang kanilang mga mahal sa buhay.

Kaya naman isa sa pangunahing pangarap ng bawat magulang ay mabigyan nila ng disenteng tirahan ang kanilang pamilya.

Base sa datos ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), aabot sa anim na milyong pamilyang Pilipino ang walang sariling tahanan at kabilang sila sa ­malaking porsyento ng populasyon na nangangailangan ng agarang tulong mula sa pamahalaan.

Sa totoo lang, para sa anim na milyong homeless families, ­itinuturing na pangarap ang magkaroon ng sariling tirahan dahil nga wala silang sapat na pera para makapagpatayo ng sarili nilang bahay.

Dumating at umalis na rin kasi ang napakaraming mga administrasyon na pawang nangako ng mas magaan na buhay at maging ng libreng mga pabahay subalit hindi naman natupad ang kanilang mga pangako.

Pero sa pagkakataong ito, sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos, ay tila magkakatotoo na ang pangarap ng 6 milyong pamilyang Pinoy na magkaroon ng sarili nilang bahay.

At ang sagot sa kanilang mga pangarap ay ang Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program ni PBBM.

Ayon kay DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar, target ng kanilang tanggapan na magpatayo ng anim na milyong housing units sa loob ng anim na taon bilang pagtalima na rin sa kautusan ni PBBM.

Sa buong panahon ng implementasyon ng programa, ­inaasahan din na makalilikha ito ng daang-libong trabaho na malaking tulong para sa mga walang hanapbuhay nating kababayan na nasa construction at real estate sector.

Ang ilan sa mga industriya na tiyak na makikinabang sa programa na makalilikha ng trabaho ay steel at metal manufacturing, pagawaan ng semento at mga produktong kahoy at marami pang iba.

Kaya naman nais nating papurihan si PBBM at si Sec. Acuzar dahil sa kanilang makabuluhang programang ito na magbibigay daan hindi lamang sa paglikha ng maraming trabaho, kundi sa katuparan na rin ng pangarap na magkabahay ng milyon-milyon nating mga kababayan.

20

Related posts

Leave a Comment