AASAHAN NAMIN, MAYOR ISKO

SA TOTOO LANG

Kailanman ay hindi ako nanirahan sa siyudad ng Maynila pero halos araw-araw akong naroon magmula nang magkolehiyo hanggang magkaroon ng trabaho sa lugar na ito noon. Saksi ako sa halos araw-araw ding kalagayan ng Maynila.

Hanggang ngayon pa rin naman ay napapadpad ako sa lugar na ito, halos ganoon pa rin naman. Parang kamukha na ng Maynila ang isang katabi pa niyang lugar na “City” pa man din ang tawag, pero marumi naman.

Iba ang itsura ng Maynila noon. Napakarumi. Umulan at umaraw ay may mga basurang wala sa tamang lugar.

Kabilang pa sa mga problema ng Maynila ay ang trapik, alam naman natin na kahit saan at siguro ay paminsan-minsan ay talagang hindi maiiwasan ito. Pero iba naman ang paminsan-minsan sa pamimihasa.

Pinamimihasa kasi na sige lang sa mga nakabalandrang mga sasakyan o mga nakaparada sa hindi tamang lugar. Nasa national road din ang mga sasakyan na dapat ay hindi sila rito nadaan, pero mas matapang pa sila sa iba at sa awtoridad. Sabi ng mga tagarito ay may “basbas” ang mga iyan sa mga nasa puwesto kaya namimihasa. Partikular na umano ang mga illegal vendors na masasabing mananakop dahil wala sa tamang lugar para magbenta.

Kabilang din sa isyu ng Maynila ay ang baha. Malakas o mahina ang ulan ay may baha. At may bahang hindi mo mawari kung bakit ganoon na lamang kung umagos. Parang agos sa dagat sa taas ng tubig-baha. Partikular itong makikita sa Taft Avenue at may ganyan din sa Quiapo hanggang sa mag-University of Sto. Tomas. Kahit saan ay may baha.

Naalala ko pa nang magtungo kami sa Land Transportation, Manila South District Office diyan sa Central Post Office, Annex Bldg. II, ng Liwasang Bonifacio. Hindi naman kalakasan talaga ang ulan pero grabe ang baha sa harap at paligid ng kanilang tanggapan. Parang walang pondo ang pamahalaan sa paulit-ulit na problema ng lugar na ito.

Naalala ko noon na may nakaupong nagsabi na tatapusin niya sa iilang buwan lamang ang baha. Tapos na ang termino niya naroon pa rin ang baha. Baha na nagiging dahilan din ng masikip at mabagal na daloy ng trapiko. Kumusta naman ang ekonomiya sa lugar na ito kung nakakapit sa sistema ang ganyang uri ng mga pangunahing isyu?

May nakikita nang kaunting pagbabago, pero hindi pa natin masabi kung sa simula lamang ito.

Ngayong paupo na si Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso para pamahalaan ang Maynila, aasahan namin ang ikaaayos ng lugar na ito. Aasahan namin ang magagawa ninyo bilang alkalde – mula sa inyong mga ipinangako hanggang sa inyo mismong responsibilidad bilang Ama ng Maynila. Abangan natin iyan. (Sa Totoo Lang / ANN ESTERNON)

186

Related posts

Leave a Comment