ABALOS INUPAKAN NI TEVES

SABONG ON AIR Ni KA REX CAYANONG

TILA lumalala ang isyu ukol sa courtesy resignation.

Paano naman kasi, maging si Negros Oriental 3rd District Congressman Arnolfo “Arnie” Teves, Jr., ay pumasok na rin sa eksena.

Inupakan niya si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos dahil ipinakikita raw nitong hindi ito karapat-dapat sa tungkulin.

Kung matatandaan, pinuna ng mambabatas ang estilo ng kalihim sa programa nito laban sa droga. Sabi ni Teves, aba’y ang apela raw ni Abalos sa mga top brass ng Philippine National Police (PNP) ay isang uri ng shortcut daw sa paglilinis sa kanilang hanay.

Nagmamadali raw ito. Para sa kanya, hindi raw makatarungan sa mga opisyales na hindi sangkot sa illegal drugs.

“Walang kalaban-laban ang mga pulis. Kapag hindi ka nag-resign, insubordination ka. Kapag nag-resign ka naman, parang may kasalanan ka na agad. If the boss is the one making an appeal to his subordinates, that is not an appeal. It is an order,” sabi niya.

Abogado nga naman daw ito. Pero ang ginagawa daw ay shortcut style.

“Nangsho-shortcut ka, I don’t think anybody is fit to sit in any gov’t position if you do not follow due process,” sabi ni Teves na sinegundahan naman ng abogado nitong si Atty. Ferdinand Topacio.

Kung matatandaan, kama-kalawa’y humarap sa mga mamamahayag ang mambabatas dahil naniniwala itong pinepersonal daw siya ni Abalos dahil sa kanyang pagpuna sa estilo ng kalihim.

Sabi nga niya, maaaring hindi nagustuhan ni Abalos ang kanyang komento.

“Now, bakit ako nagpatawag ng presscon? Gusto kong malaman niyong lahat na pinepersonal na ako ni Benhur Abalos. May narinig akong mga order na nagpapa-apply ng search warrant sa bahay ko at kung wala daw makuha, lagyan. Kaya ngayon pinadagdagan ko na ang mga CCTV ‘yung bahay para safe,” ani Teves.

Naku, sabi ni Teves, ang ugat daw ng ina-apply na search warrant ay dahil pinaghihinalaan siyang sangkot sa e-sabong.

Pakiramdam niya, ginagantihan siya ni Abalos. Naniniwala si Teves na frustrated daw ang kampo ni Abalos kasi siya ay kasama raw sa mga pinagbibintangan sa e-sabong.

Wala naman daw siyang pakialam dito. Sinuyod na nga raw ang buong Region 7 at wala naman daw nakita.

“Kaya huwag na huwag n’yo gagalawin ang bahay ko dahil alam ng taumbayan na foul play ‘yan. Huwag n’yo galawin mga anak ko dahil alam ng taumbayan na foul ‘yun,” banta pa ni Teves.

Well, alam naman ni Abalos ang legal at illegal. Hindi rin naman papayag dito ang mga constituent ni Teves.

Abangan na lang siguro natin ang susunod na kabanata.

24

Related posts

Leave a Comment