ABOGADO, EDUKADO ILUKLOK SA SENADO

DPA ni BERNARD TAGUINOD

KAPAG nag-apply ka ng trabaho, ang daming requirements ang hinihingi ng kumpanyang inaaplayan mo at ang pinakamataas na requirement ay tapos ka ng kolehiyo at may experience sa trabahong inaaplayan.

Kahit factory worker ang inaaplayan mo, madalas ang nire-require sa ‘yo kahit papaano ay nakapag-kolehiyo kahit hindi ka tapos dahil mahalaga na naiintindihan ng aplikante ang kanyang magiging trabaho.

Bukod dyan sa edukasyon, kailangan ding ipasa muna ng isang aplikante ang exam na ibinibigay ng kumpanya at matapos ‘yan ay ilang interview pa ang dadaanan mo bago magdesisyon ang employer kung kwalipikado ka ba o hindi sa trabahong inaaplayan mo.

Hindi lang sa pribadong sektor pinahihirapan ang isang aplikante kundi maging sa gobyerno dahil hindi ka tatanggapin sa government service kung hindi ka pasado sa Civil Service Exam lalo na kung ang trabahong inaaplayan mo ay hindi job order at contractual worker.

Pero ang mga aplikante sa Senado, Kamara at mga elected position sa gobyerno, ang tanging requirement ay dapat Pinoy ka at marunong kang magbasa at sumulat. Saan ang hustisya diyan?

Kapag panahon ng eleksyon, ang taumbayan ang pipili kung sino sa mga aplikante ang nais nilang maupo sa Senado at Kamara. Kung baga, sila ang employers ng mga kandidatong ito na mga nag-aapply bilang senador o congressman, o governor pababa.

Pero nagtataka naman ako, bakit karaniwang pinipili ng mga employer o ang mga botante na magtrabaho sa Senado at Kamara ay hindi man lang nakatapos ng kolehiyo gayung seryoso ang trabahong inaaplayan nila?

Kailangan sa Senado ang isang abogado at kung hindi man ay dapat nakatapos ng pag-aaral dahil napakaseryoso ang trabaho sa Kongreso. Kailangang may alam ang mga dapat piliin sa mga aplikante sa Senado at hindi lang basta marunong magbasa at sumulat.

Hindi na ako magbibigay ng halimbawa kung sinong mga senador ang hindi nakapagtapos ng pag-aaral dahil siguradong alam niyo na kung sino-sino sila pero nakita n’yo ba kung papaano sila magtrabaho? Satisfied ba kayo sa performance nila? ‘Di sila matanggal dahil may security of tenure sila.

Baka pangalan lang nila ang kayang nilang isulat at hindi panukalang batas? Malaki ang pagkakaiba ng magsulat at sumulat ha. Sigurado ba tayo na ideya nila ang kanilang panukalang batas at sila mismo ang sumulat? O gawa ‘yun ng kanilang abogado at staff?

Puwedeng marunong silang magbasa pero ang tanong, naiintindihan ba nila ang kanilang binabasa? Kaya nga ‘yung ibang nakikita natin sa hearing ay hindi nakasasabay dahil wala silang alam eh. Umaarte lang at tameme sila sa debate kasi ngang walang alam.

Pero kung abogado na tulad ni Atty. Vic Rodriguez, ang nandyan sa Senado, may magandang resulta hindi tulad ng marami dyan na nagbubutas lang ng silya at tahimik sa lahat ng isyu dahil wala nga silang alam eh.

26

Related posts

Leave a Comment