TARGET NI KA REX CAYANONG
NGAYONG 2023, mas pinalawak at mas pinalakas pa ang public service ng Anti-Crime and Terrorism Community Involvement and Support (ACT-CIS) Party-list.
Kung hindi ako nagkakamali, sina Rep. Edvic Yap, Rep. Jocelyn Tulfo at Rep. Jeffrey Soriano ang kasalukuyang mga kinatawan ng partido ngayong 19th Congress.
Si dating DSWD Sec. Erwin Tulfo naman ang kanilang chairman.
Napabalitaan ng inyong lingkod na nagbalik na pala si Sec. Tulfo sa ACT-CIS Action Center.
Kamakailan, sa pakikipagtulungan ng ACT-CIS Party-list at Erwin Tulfo Action Center sa LITRO Babies Philippines, halos 40 na babies ang nadala sa India at napagamot sa kanilang karamdaman na Biliary Atresia.
“Tinatayang 2 milyon ang kailangan sa bawat isang operasyon na isinasagawa sa India. Isama natin ang kanilang full recovery sa ating panalangin. Nawa’y patuloy ring gabayan ng Panginoon ang kanilang pamilya na buo ang suporta para sila ay mapagaling,” ayon sa statement ng ACT-CIS.
“Maraming salamat kay ‘Tol Erwin Tulfo sa iyong initiative para matulungan ang mga bata na ito para madugtungan pa ang kanilang buhay at maabot ang magandang kinabukasan. Maraming salamat rin sa iba pang nagpaabot ng kanilang tulong sa mga pamilya.”
Ubod ng dami ang mga proyekto at programa ngayon ng ACT-CIS.
Itinutulak na rin nito ang panukalang batas na nagsusulong ng interes ng mga sekyu.
“Madalas ay dahil nakasanayan na nating parati silang nandyan, hindi na natin napapansin ang kanilang mga pangangailangan,” wika ng grupo.
Ayon sa ACT-CIS, para sa mga security guard ang House Bill No. 5494 o ang ‘Magna Carta for Security Guards and Other Private Security Personnel.’
“Para sa ating mga security guard na handa tayong tulungan sa kahit anong oras at paraan, para sa inyo ang ating panukala.”
Siyempre, “nakalahad dito ang nararapat na sahod, benepisyo, at working conditions para sa ating security guards.”
Kapag naisabatas, ayon sa party-list, aba’y “mapapanagot ang agency o kumpanya na lalabag dito.”
“Kasama tayo ng ating mga Kuya/Ate Guard na isulong at ipaglaban ang kanilang karapatan!”
Hangga’t may naaapi, laging and’yan ang ACT-CIS para agaran na umaksyon at tumulong sa mga nangangailangan.
Mabuhay po kayo, mga bossing, at God bless!
