CLICKBAIT ni JO BARLIZO
NOONG isang linggo, ginulantang na naman ng dating pangulong Digong Duterte ang gabi ng mga Noypi.
Pakawalan ba naman ang malutong na “presidenteng adik” patungkol kay Pangulong Bongbong Marcos. Pero pansin n’yo rin ba na tila wala naman nawindang sa mga litanya ng dating pangulo?
Sabi nga, inistorbo lang daw ang gabi sa kanyang rhetorics.
Pagod na ba talaga ang mga Pinoy na magreklamo o hingin kung ano ang nararapat sa mga taong gobyerno o namanhid na at wala nang pakialam?
Sagot ng netizens: Hindi. Pero wala nang nagdadabog kasi matagal na raw nilang alam ang pagiging adik ni BBM! Diretsahang pag-amin na nga lang daw mula mismo sa kanya ang kulang dahil noon pa alam na ng lahat na gumamit siya ng droga.
Isa rin ‘yan sa mga dahilan kaya marami ang tutol noon na maging presidente si Bongbong bukod pa sa malagim na kwento ng kanilang pamilya mula sa diktador na ama at mga nakaw na yaman.
Noong kampanya ay naging maingay ang pagiging adik daw ni Marcos Jr. kaya nga lumabas ang mga bansag sa kanyang “ngiwi” at “bangag” hindi ba?
Si Digong din ang ilang ulit nagbanggit nito noon pero laban-bawi siya. Hindi niya pinangatawanan ang mga paratang, matindi pa, nakipag-UniTeam ang anak niyang si Sara.
Ngayong naghiwalay na ang UniTeam pilit nilang binubuhay ang isyu. Kung hindi naging epektibo noon ang ‘adik isyu’ lubayan na ninyo. Wala nang bisa ika nga.
o0o
Habang patuloy sa pagbabangayan ang Marcos at Duterte, marami ang nangangamba na lumubha pa ang kahirapan sa bansa.
Pero kung tatanungin ang Department of Finance, kumpiyansa raw ito na hindi makaaapekto sa positibong pananaw sa ekonomiya ang bangayan.
Ginawang sandigan ng DOF ang malakas na mga polisiya ng pananalapi at repormang pang-ekonomiya.
Ayon kay Finance Undersecretary Domini Velasquez, hindi masyadong pinapansin ng mga dayuhang mamumuhunan ang ingay sa pulitika dahil may napatunayan na ang bansa kahit ano pang iringan sa pulitika, mayroon na aniyang positive outlook mula sa S&P ang bansa.
Umangat sa positive ang credit rating ng bansa, na nagpapahiwatig ng posibleng pagtaas sa “A-” rating sa loob ng 24 buwan.
Binanggit ng economic managers ang katatagan ng ekonomiya ng Pilipinas laban sa mga hamon, gaya ng mga kalamidad, krisis sa pananalapi at geopolitical risks, and global or regional financial kaya tuloy ang negosyo para sa pamahalaan.
Inaasahang lilipas din ang pag-aalinlangan dulot ng gulo sa pulitika, ayon kay Go Negosyo Founder and Private Sector Advisory Council (PSAC) Lead for jobs Joey Concepcion, na kumpiyansang ang paglaki ng paggastos ngayong kapaskuhan ay magpapalakas sa ekonomiya ng bansa.
Ngunit, paano tutustusan ng publiko, lalo ng mahihirap, ang mga gastusin at bilihin ngayong Pasko kung tumaas ang mga bilihin, bayad sa kuryente at petrolyo at bumaba ang halaga ng peso?
Sa inilabas ng Bangko Sentral na forecast, ang inflation para sa Nobyembre ay maaaring bumilis sa 2.2 hanggang 3 porsyento matapos ang pinsalang iniwan ng sunod-sunod na bagyo, at ang pagbaba ng halaga ng peso.
Ang dagdag presyo ng mga gulay, isda at karne sanhi ng hindi kanais-nais na kondisyon ng panahon, mataas na singil sa kuryente at petrolyo, at pagbagsak ng peso ang mga pangunahing dahilan, na inaasahan ng Bangko Sentral ay pagagaanin sa ilang parte ng mababang presyo ng bigas.
Hindi nga ba ang away-pulitika ang dahilan ng pagbilis ng antas ng inflation? Gayunpaman, iringan man o iba ang dahilan, kailangang sipatin ang tunay na kalagayan ng bansa at mamamayan.
Natatabunan na ng mga isyung pulitikal ang dapat unahing atupagin ng mga lider ng bansa.
Sa naghaharing away-pulitika, talo ang mamamayan dahil nawawala ang atensyon para sa kanilang interes at kaunlaran ng bansa.
29