ADYENDA SA LIKOD NG KANDIDATURA

0

SA nag-iisang tronong mababakante sa Palasyo, 97 ang may puntiryang pumalit sa Pangulo pagsapit ng pagtatapos ng kanyang termino.

Gayundin sa Senado kung saan 175 ang aplikante para lang sa 12 pwesto. Maging sa iba’t ibang posisyon sa gobyerno, ganun din ang eksena.

Sa dami ng naghahain ng sarili sa publiko, ‘di maiwasang magtanong ang mga botanteng Pilipino – ano nga ba ang pakay ng kanilang kandidatura?

Nakalulungkot isiping hindi barya ang gastusan sa tuwing halalan kaya naman malamang sa hindi, mahaba-habang bawian ng puhunan sa sandaling maluklok sa kapangyarihan.

Ang nakababahala ay ang katwiran ng ilan sa mga kandidato. Mayroong nagsasabing ang kanilang pagtakbo ay ang pigilan ang posibilidad ng pag-upo sa pwesto ng isang ­katunggaling mortal. Mayroon din namang hangad lang ay lumikom ng pera mula sa mga tagasuporta.

May kulang sa pansin, mayroon ding ang disgusto sa gobyerno ay idinadaan sa ­protestang paghahain ng kandidatura. Hindi naman mawawala ang mga payaso at mga ka-­apelyidong hangad ay areglo kapalit ng pag-atras nito. May pagkakataon din namang taktika lang ng mga politiko ang magtalaga ng isang taong ka-apelyido ng kanyang karibal sa pwesto.

Ano nga ba ang dapat basehan ng Commission on Elections (Comelec) sa pagpapasya kung sino lang ang pwede tumakbo? Kakayahang tustusan ang madugong kampanya ng halalan? Plataporma? Hitsura? Popularidad?

Sa isang banda, kakaiba ang isang party-list congressman sa kanyang adyenda sa pagtakbo bilang senador. Ani SAGIP Party-list Rep. Rodante Marcoleta, hangad niyang pigilan ang bagong prangkisa ng isang giant broadcast network na pag-aari ng isang pamilyang higit na kilala bilang oligarko. (Editor’s Note: Wala kaming pakialam sa mga oligarko dangan naman kasi pera lang ang interes ng mga ito)

Sa puntong ito, hindi kaya dapat nang ipabatid at ipaunawa ng Comelec sa mga kandidato ang mandato ng pwestong inaasinta nito?

Sa totoo lang, marami sa mga nakaupo na sa iba’t ibang posisyon sa gobyerno ang mistulang inutil, payaso, pasahurin at mayroon din namang sadyang naroon dahil sa misyong ­iniatang ng kanyang amo.

Hindi nakapagtatakang lahat gustong ­talunin ang mga trapo!

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment