AKAP NG DSWD AT RECORD-BREAKING PERFORMANCE NG PAGCOR

TARGET NI KA REX CAYANONG

SA gitna ng patuloy na hamon ng mataas na inflation at pagtaas ng presyo ng mga bilihin, isang malaking hakbang ang isinagawa ng Department of Social Welfare and Development Field Office 6 (DSWD FO-6) sa paglulunsad ng Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP).

Sinasabing sa programang ito, mahigit 20,000 na near poor families sa Western Visayas ang nakatanggap ng kabuuang P62.8 milyon na tulong.

Ang AKAP ay naglalayong tulungan ang mga pamilyang may mababang kita na hindi sakop ng 4Ps o social pension programs.

Ang bawat benepisyaryo ay nakatanggap ng P3,000 na ayuda, na malaking tulong para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

Ayon kay Atty. Carmelo Nochete, regional director ng DSWD FO-6, ang programa ay para sa mga manggagawang tumatanggap lamang ng minimum wage rate.

Mula sa kabuuang halaga, P12.2 milyon ang naipamahagi sa mahigit 4,000 benepisyaryo sa Iloilo; P29.8 milyon para sa mahigit 9,000 benepisyaryo sa Negros Occidental; P4.2 milyon sa mahigit 1,000 benepisyaryo sa Aklan; P7.1 milyon sa mahigit 2,000 benepisyaryo sa Antique; at P9.7 milyon sa mahigit 3,000 benepisyaryo sa Capiz.

Sa kasalukuyan, halos 80% na ng kabuuang target na P73.4 milyon para sa 24,476 na benepisyaryo sa Western Visayas ang naipamahagi.

Hindi maitatanggi na ang sektor na ito ang madalas na naiipit sa gitna ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Samantala, sa Central Visayas region, umabot naman sa P22.6 milyon ang naipamahagi para sa AKAP Program payout kung saan mahigit 7,500 na benepisyaryo ang nakatanggap ng kanilang ayuda mula sa DSWD 7.

Samantala, magandang balita rin dahil nakapagtala naman ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ng 18.54% increase sa Gross Gaming Revenues nito para sa unang quarter ng 2024 na dito’y sumirit sa P81.70 bilyon mula sa dating P68.92 bilyon noong nakaraang taon sa kaparehong quarter.

Sabi nga ni PAGCOR Chairman at CEO Alejandro Tengco, patuloy ang record breaking performance ng Electronic Games (E-Games) sector matapos makapagtala ng P22.5 bilyon na mas malaking hindi hamak sa 2023 first quarter revenues P3.5 bilyon.

Masasabi nga na isa raw ang magandang performance ng e-games sa nagpapakita kung paano naiimpluwensyahan ng pagkalat ng mobile devices, hindi lang ang pang araw-araw na buhay ng tao kundi maging ang pamimili nito pagdating sa kanilang entertainment.

Aba’y malaki rin daw ang naitulong sa magandang performance ng PAGCOR ang improved regulatory policies ng ahensya at ang reduced fees habang nariyan din ang biggest contributor nito sa 1Q GGR na walang iba kundi ang mga licensed casino sa bansa na nakapagtala ng P49.7 bilyon.

Mabuhay po kayo, mga bossing, at God bless!

69

Related posts

Leave a Comment