Mabuting inilutang na mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isang cabinet meeting kahapon ang usapin sa pag-ban ng plastic.
Aniya dahil sa lumalalang problema sa climate change, posibleng ang pag-ban sa paggamit ng plastic ay maging nationwide.
Tama lang naman dahil kung lahat ay apektado ng salot at hindi madisiplinang paraan ng paggamit ng plastic, tiyak na ang solidong pagbabawal sa paggamit nito ay may positibong epekto rin para sa lahat ng mamamayan ng Pilipinas.
Sa patas na paraan gagawin ito ng pangulo ng bansa. Idadaan niya ito sa legislative action para lahat ay may pagsunod at ang hindi makasusunod ay may kalalagyan.
Batid naman natin na mapaminsala ang plastic mula sa paggawa nito hanggang sa iba’t ibang walang kaayusan sa paggamit.
Alam din natin na maraming endangered species sa karagatan na rin ang nagkandamatay hindi lamang sa Pilipinas kundi sa iba’t ibang panig ng mundo.
May iba ring may mga buhay na bagama’t buhay ay napahamak naman nang husto gaya na lamang ng mga pagong at isda na nabalutan ng plastic ang mga katawan kaya’t ang kanilang paglaki ay hindi naging maayos. Ang porma ng kanilang mga katawan ay hindi tama.
Sa mga plastic din na iyan nagdulot ng problema dahil nagkaroon tayo ng mga pagbaha. Paano ba naman dahil barado ang ating mga imburnal o daanan ng tubig.
Sana matuloy ang aksyon na ito ng pangulo para na rin sa ating ikabubuti. (Sa Totoo Lang / ANN ESTERNON)
210