AKSYON NI CASTILLON, NASA DWDD NA

AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP

MAYROON nang bagong matatakbuhan ang mga OFW at kanilang pamilya sakaling mangailangan sila ng payong legal. Sinimulan na kasi ni Attorney David Castillon sa programang Bantay OFW sa DWDD 1134 Khz sa AFP AM Radio ang pagbibigay ng ­libreng pagpapayong legal.

Bukod sa makabuluhang impormasyong legal ay handa rin tumulong si Atty. Castillon sa mga pangangailangan ng ating mga OFW at kanilang pamilya.

Ang programang Bantay OFW ay mapakikinggan sa radio DWDD 1134 KHz tuwing Biyernes simula alas-6 hanggang ala-7 ng gabi na sabayang napakikinggan sa lahat ng radio station  ng Armed Forces of the Philippines sa buong Pilipinas at sabayang ding napapanood sa AFP RADIO Facebook page.

Sa mga nagnanais na humingi ng payong legal ay maaaring tumawag sa telepono 0927-926-5000 sa oras mismo ng programa.

Samantala, dumulog sa ­ating pahayagang Saksi ­Ngayon ang ating kabayaning si Telma Almaqbali upang humingi ng tulong na siya ay makauwi na sa Pilipinas sa lalong madaling panahon.
Si Telma ay kasalukuyang nasa Jeddah, Saudi Arabia at nakarating roon sa pamamagitan ng Mardel International Management and Services.

Ayon kay Telma, hirap na hirap na siya sa kanyang kalagayan dahil malimit na siya ay ikinakandado sa kanyang kuwarto ng kanyang amo kapag ang mga ito ay nasa kani-kanilang opisina. Hindi man lamang siya iniiwanan ng pagkain at makakakain lamang siya sa oras na umuwi na sa kanilang tahanan ang kanyang employers.

Ayon kay Telma, may pagkakataon din na anim na araw siyang naka-lock sa kanyang kwarto at hindi binigyan ng pagkain na naging sanhi ng kanyang pagkahilo. Dahil dito ay nakikiusap si Telma na matulungan siyang makaalis na sa kanyang amo at makauwi na sa Pilipinas.

Ang sumbong na ito ni ­Telma ay agad nating ­ipinarating kay OWWA Chief Yolanda Penaranda ng One Repatriation Command Center ng Department of Migrant Workers. Ang AKO OFW ay nakatutok sa kasong ito ni Telma upang masiguro na makauuwi siya sa lalong madaling panahon.

Ibig kong iparating ang ­aking pagsaludo sa mga bagong inisyatibo at kasipagan ni OWWA Administrator Arnell Ignacio. Tila hindi napapagod ang mamang ito sa pakikinig at pagtulong sa bawat hinaing ng mga OFW at pamilya ng OFW.

Personal din itong nagtutungo sa malalayong probinsya para lamang makiramay sa pamilya ng nasasawing mga OFW na inuuwi sa Pilipinas.

Katulad nga nang malimit kong sinasabi, angkop na ­angkop si Administrator Ignacio sa kanyang position bilang ­administrator ng Overseas Workers Welfare Administration.

***

Kung kayo ay may sumbong, reklamo o ibig papurihan ay magpadala lamang ng ­mensahe sa ating email address na drchieumandap@yahoo.com.

146

Related posts

Leave a Comment