At Your Service Ni Ka Francis
ISA sa mga kinagigiliwan ng iba’t ibang lahi sa buong mundo ay ang tinatawag na “Alagang Pinoy”, partikular ang mga nasa hanay ng medikal na propesyon.
Kakaiba kung mag-alaga sa kanilang mga pasyente ang mga Pilipino na nasa hanay ng medikal na propesyon, dahil tinatrato nilang parang kamag-anak o hindi na nila iba ang mga ito.
Marahil nag-ugat ang kaugaliang ito sa pagiging malapit ng mga Pilipino sa kanilang pamilya kung kaya’t pagdating sa kanilang trabaho ay nai-apply din nila ang pagiging malapit sa kanilang mga pasyenteng inaalagaan.
Isa rin sa maaaring dahilan ay ang pagiging emosyonal ng mga Pilipino na humahantong sa pagiging maawain natin sa ating kapwa.
Hindi natin matiis na may nakikita tayong nahihirapan na kapwa nating tao kaya hangga’t maaari ay tutulong tayo sa ating kapwa sa lahat ng ating makakaya.
Hindi lang sa medikal na propesyon nakilala ang mga Pilipino sa pagiging mabuting mag-alaga kundi maging sa mga nagtatrabaho sa ibang bansa bilang mga caregiver, domestic helpers at iba pa.
Sa katunayan sa mga caregiver, domestic helper, at medikal na propesyon sa iba’t ibang bansa ay maraming hinahanap na lahing Pinoy.
Isa sa mga basehan na kinagigiliwan ang mga Pilipino na nasa medikal na propesyon, ay ang ulat ng Department of Health (DOH) na kinakapos ang Pilipinas sa mga nurse.
Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, sa National Human Resources Master Plan 2020-2040 na iprinisenta nila kay Pangulong Bongbong Marcos sa naganap na sectoral meeting kamakailan, ang pangunahing dahilan ng kakulangan ng bansa sa mga nurse ay ang pag-migrate at pagiging overseas Filipino worker ng mga healthcare worker natin.
Batay sa datos na ibinigay ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, 74% ng healthcare workers na umalis sa bansa ay nurses.
Upang tugunan ang malaking kakulangan sa human resources ng health sector, may nakikita ang DOH na ilang mga solusyon.
Kabilang sa mga ito ay ang pagbibigay ng health insurance, pabahay, at scholarship para sa mga health worker na nais pang mag-develop ng kanilang karera.
Layunin nito na mahikayat ang mga health worker na piliing magtrabaho sa Pilipinas.
Bukod kasi na magandang magserbisyo ang mga Pilipino bilang health workers sa ibang bansa dahil sa magandang pagtrato sa kanilang mga pasyente, ay malaki rin ang kanilang inaasahang magiging sweldo bilang mga OFW.
Bukod sa kanilang magandang pagtrato sa lahat ng lahi ng mga tao ay maaasahan din ang mga Pilipino sa pagiging tapat sa kanilang pinaglilingkuran.
Nakalulungkot lamang na sa kabila ng hinahangaan tayo sa ibang bansa bilang mapagmahal at tapat na mga manggagawa, ay hindi tayo nabibigyan ng oportunidad sa sarili nating bansa.
Kung kaya’t hindi maiwasan nating mga Pilipino na sa halip na sa sarili nating bansa tayo magserbisyo bilang healthcare workers, ay sa ibang bansa pa tayo nagserserbisyo dahil sa usapin ng mga benepisyo at sweldo para sa kinabukasan ng ating mga pamilya.
Hindi sana ito hahantong sa ganitong sitwasyon kung binibigyan ito ng pansin ng ating pamahalaan.
Wala tayong makikitang ibang lahi na ang pagserbisyo ay nagpapakita ng pagmamahal sa kanilang mga pasyente kundi ang sarili nating kalahing healthcare workers.
Kaya tayo kinagigiliwan ng ibang lahi dahil subok na tayo at patunay rito ang ating OFWs na healthcare workers na magagaling at tapat na mga manggagawa.
Sana dumating ang panahon na hindi na natin kailangang mangibang bansa para magtrabaho para sa kinabukasan ng ating mga pamilya.
28