Alamat Ni Manny Pacquiao (Ika-23 Bahagi) 8th Wonder of the World

Ni EDDIE ALINEA

MAKARAANG muling mabigo ang ikalawang negosasyon na pagsabungin ang naghaharing WBO welterweight champion na si Manny ­Pacquiao at wala pang talong Amerikano na si Floyd Mayweather Jr., ­nasumpungan na lamang ng Pilipino na kalabanin sa ring ang hamak na mas malaki sa kanyang si Antonio Margarito.

Itinakda ang pagtutuos ng dalawa noong Nobyembre 13, 2010 sa At&T Stadium, Arlington, Texas para sa bakanteng kampeonato ng WBC super welterweight ­(light-middleweight). Kapag nanalo ang Pambansang Kamao, magiging kaisa-isa siyang nilalang sa kasaysayan ng sweet science na hahawak ng korona sa walong dibisyon.

Nang mga panahong iyon, tinawag ng media ang nakatakdang laban na “Eighth Wonder of the World” dahil wala pang boksingerong nakagagawa ng ganoong rekord.

Hawak noon ni Manny ang mga korona sa flyweight, super-bantamweight, featherweight, super-featherweight, lightweight, junior-welterweight at welterweight – isang paglalakbay na nagsimula sa timbang na 112 libra paakyat sa 154 libra.

Isang araw bago sumapit ang naturang laban, ang kongresista pa lang noon at may taas na 5’5-1/2″ na si Pacquiao ay tumimbang ng 144.6 libra, kumpara sa 150 libra ng 5’11” na si Margarito. Sa gabi ng sagupaan, tumimbang ang idolo ng Pilipinas ng 148, o 17 librang mas magaan sa 165 libra ng Mehikano-Amerikanong kalaban.

Sa kabila ng kakulangan sa taas at timbang, ginulpi ni Manny si Margarito gamit ang bilis ng kanyang mga kamay at paa tungo sa nagkakaisang hatol ng tatlong huwes: Juergen Langos, 120–108, Glen Rick Crocker, 118–110, at Oren Shellenberger, 119–109, lahat ay pabor kay Pacquiao.

Grabe ang naging pinsala ni Margarito, na hindi na ­nakarating sa kinaugaliang post-fight in press interview sa dahilang kinailangan siyang isugod sa ospital kunsaan siya isinailalim sa operasyon makaraang ­madiskubreng nabali ang kanyang kanang orbital bone sa dami ng natanggap na suntok mula sa Pinoy champ.

Sa round 11, paulit-ulit na pinakiusapan ni Manny si reperi Lawrence Cole na itigil na ang laban dahil sa pamamaga ng mukha ng kanyang kalaban.

Sa interbyu matapos ang sagupaan, tinanong ng media si Pacquiao kung nagpigil siya noong huling round. Sagot naman nito, hinintay na lamang niyang matapos ang natitirang tatlong minuto sa laban dahil naisip niya: “Boxing is not for killing.”

“I did not want to damage him permanently,” dugtong niya.

Sa kasamaang palad, lumabas na nag-iwan ng malaking kapinsalaan ang laban kay ­Margarito, na muntik nang mawalan ng lisensyang lumabang muli.

Pagbalik sa Maynila, ginawaran ang kampeon ng ­Congressional Medal of Distinction ng mga kasamahan niya sa Mababang ­Kapulungan sa ­pangunguna ni noon ay ­Speaker Feliciano Belmonte, sa seremonyang idinaos sa mismong House of Representatives.

At dahil si Manny na mismo ang nagpahayag na hindi niya ipagtatanggol ang bago niyang korona, ipinasiya ng WBC Board of governors na bakantehin ang middleweight title.

Ang laban sa pagitan nina Pacquiao at Margarito ay kumita ng $64 million mula sa 1.15 million buys at attendance.

29

Related posts

Leave a Comment