Alamat Ni Manny Pacquiao (Ika-26 Bahagi) Kambal na masaker sa Macau

TAONG 2013 at 2014 nang muling ipamalas ng Pilipinong si Manny Pacquiao ang kanyang kakayahang bumangon mula sa pagkakadapa at ituloy ang kanyang misyon bilang boksingero – magpaligaya ng tao.

Pinili ng noon ay 28 taon nang beterano sa pakikipagbasagan ng mukha ang Cotai Arena, Macau para doon supilin ang mga ambisyosong humamon sa kanya na sina Brandon Rioz at Chris Algieri.

Sariwa pa sa alaala ng marami ang mapait na kambal na pagkatalo ni Manny sa kamay ni Timothy Bradley (split decision sa 12) at Juan Manuel Marquez (KO sa 6) noong 2012. At bagama’t nakabawi siya kay Bradley (UD sa 12) 11 buwan bago harapin si Rios noong ika-12 ng Abril 2014, ipinakita ng noon ay 35-anyos na si Pacquiao na kayang-kaya niya ang Amerikanong challenger sa kanilang pagtutuos sa tinawag na “Clash in Cotai” (Fight as One) noong Nobyembre 24, 2013 para maiuwi ang titulo ng bakanteng WBO International welterweight.

Matapos ang bakbakan, ­inalay ni Pacquiao ang panalo sa mga biktima ng bagyong ­sumalanta sa Pilipinas.

Isang taon matapos paluhurin si Rios sa kanyang harapan, pinabagsak naman ni Manny ng anim na beses si Algieri upang maipagtanggol ang kampeonato ng WBO 147 libra na nabawi niya kay Bradley sa ikalawa sa pangatlong laban nila.

Para sa kabiyak ni Sarangani Bise Gob. Jinkee, mas matamis ang panalong ito kay Algieri sa dahilang noong mga panahong iyon ay marami ang nagsasabing laos at dapat na siyang magretiro.

Kaya sa ikalawang round pa lamang ng laban ay pinadama na ni Manny sa kalaban ang kanyang pakay at pinabagsak ito ng tatlong beses sa ika-anim, ika-pito at ika-sampung yugto.

Sa 10th round, dapat sana’y tapos na ang boksing nang tigilan ni Manny ang pagpaparusa sa New Yorker sa pag-aaakalang itinigil na ni reperi Genaro Rodriguez ang sagupaan.

Inamin ni Manny na talagang tinangka niyang patulugin si Algieri upang aminin din na “Chris is a tough fighter and he showed that by avoiding that to happen.”

Para sa chief trainer ni ­Manny na si Freddie Roach, ang napakalayong agwat ng boto ni judge Michael Pernick na 120-102 ay maaaring pinakamalaking kalamangan sa nakalipas na 20 taong kasaysayan ng sport ng boksing.

Para kay Top Rank Promotion CEO Bob Arum, ang anim na knockdown na iniskor ni Pacquiao ay katumbas ng KO panalo na siya namang hangad ni Roach sa isang banda.

“I can’t remember a fighter scoring six knockdowns in my long years in boxing,” ani Arum sa reporter na ito pagkatapos ng laban. “Yeah, it could be considered a knockout but the official result is still a unanimous decision.”

Ang dalawa pang huwes – Patrick Morley at Levi Martinez – ay bumoto ng 119-103 at 118-103, ayon sa pagkakasunod, pabor sa ama nina Jimwel, Michael, Princess, Queenie at Israel. Kapwa sila walang ­ibinigay na round kay Algieri.

Sa nakaugaliang post-fight presscon, inamin ni Algieri ang malaking kalamangan ni Manny. “Pacquiao is a great, great champion. He’s so fast, it was very difficult for me to keep track on him.” (Abangan ang karugtong)

76

Related posts

Leave a Comment