Alamat Ni Manny Pacquiao (Ika-28 Bahagi) Proseso ng pamamagitan ‘di nagbunga para matuloy Pacquiao-Mayweather

TATLONG taon ang nakaraan matapos ideklara ng promoter ni Manny Pacquiao noong Enero 7, 2010 na si Bob Arum na patay na ang negosasyon para ilaban ang Filipino sa wala pang talong Amerikanong si Floyd Mayweather Jr., biglang ­sumulpot ang isang Pinoy na artista at waiter na si Gabriel Salvador na nagpresintang kaya niyang mamagitan sa dalawang kampo para matuloy ang sagupaang pinakahihintay ng buong daigdig ng boksing.

Isang araw bago ang deklarasyon ni Arum, ang kampo ng eight-division world champion at seven-division world champion ay kinailangang sumailalim sa isang mediation process na pinamagitanan ni retired Federal Judge Daniel Weinstein.

Base sa mga sumunod na pangyayari, walang positibong ­resultang naganap sa pamamagitan ni Judge Weinstein, subalit dahil sa kahalagahan ng isyung may kaugnayan sa kasaysayan ng boksing, ilalahad namin base sa personal na nasaksihan ng reporter na ito na nandoon sa sala ni Judge Weinstein, ang mga kaganapan sa mediation process.

Makalipas ang siyam na oras na mediation noong araw ng Martes (Miyerkoles sa Maynila) ng 6 Enero 2010, lumabas kapwa ang kinatawan ng kampo ni Manny at Floyd na tikom ang mga bibig sa kung ano ang tunay na nangyari.

Si Arum at Todd DuBoef at mga abogado ng Top Rank, Richard Schaefer, Oscar De La hoya, ang kanilang mga kasamang abogado, kabilang ang manager ni Mayweather na si Al Haymon ay ginugol ang halos maghapon sa opisina ni Judge Wenstein sa Sta. Monica, California sa pag-asang maisalba ang potensyal na ­pinakamayamang labanan sa kasaysayan ng sport na sweet ­science.

Lumabas na isa palang gag order ang inilabas ni Weinstein na ang ibig sabihin ang usapan tungkol sa paghaharap ay tuloy pa hanggang sa marating ang desisyong magiging paborable pareho sa magkasalungat na partido.

“Mediation is still ongoing,” wika ng mga abogado ng Top Rank sa mga mamamahayag na karamihan ay mga dayuhan na nagsipaghintay ng siyam na oras sa labas ng sala.

“It wasn’t clear whether the talks will resume and when and where if it would,” pabulong na sabi ni Arum sa reporter na ito.

Ito rin ang nasambit ni Arum, isang batikang manananggol na nagtapos sa Harvard Law School at nagtrabaho sa U.S. Department of Justice noong 1960s bago pumasok sa boksing bilang promoter, sa panayam sa telepono.

Idinugtong ni Arum na hindi siya makapagsasalita dahil sa gag order na ipinalabas ng mediator o maharap sa kasong comtempt of court. Ito rin ang ipinahayag ni DuBoef sa email na ipinadala sa ESPN.com.

Nanatiling selyado ang labi ni Schaefer sa buong panahong nasa Sta. Monica ang mga dumalo sa proseso.

“No comment, no comment,” ang tanging nasambit ni De La Hoya nang lapitan siya ng mga reporter sa labas ng sala na ang tukoy rin ay ang gag order ni Weinstein,

Ayon sa mga tagamasid, ang ibig sabihin ng nangyari sa mediation ay tuloy pa rin ang usapan at di maglalaon at masisilayan din ng mga fans ang pinananabikang pagtutuos ng noon ay numero uno sa listahan ng pound-for-pound (Pacquiao) at pumapangalawang Amerikano (Mayweather).

At kung matutuloy ang laban ay malamang maganap sa Marso 13 ng taong iyon sa MGM Grand sa Las Vegas.

Ang isang nakabalam sa pagkakatuloy ng sagupaan ay ang ­paraan kung anong sistema ng drug testing ang gagamitin – Olympic style na tinututulan ni Pacquiao.

Hindi na bago kay Judge Weinstein ang away ng dalawang kampo. Siya rin ang namagitan sa dalawang nagbubungguang grupo noong Hunyo 2007 sa isyu kung sino ang nagmamay-ari ng promotional right ni Pacquiao matapos na ang Filipino ay pumirma sa dalawa bago sumumpa ng kanyang katapatan sa Top Rank.

Matapos magkasundo sa co-promotion ng ilang laban ni ­Pacquiao: vs Ricky Hatton, vs Juan Manuel Marquez II at vs Marco Antonio Barrera II, muling umigting ang di pagkakasundo ng dalawang grupo sa planong pagtapatin si Pacquiao at Mayweather, dahil pa rin sa isyu ng sistemang gagamitin sa drug testing. (Abangan ang karugtong)

60

Related posts

Leave a Comment