ALBAY YOUNG FARMERS, NAGPASALAMAT SA PITMASTER FOUNDATION

SABONG ON AIR Ni KA REX CAYANONG

LALO pang lumalawak ang iba’t ibang programa at adbokasiya ng Pitmaster Foundation.

Hindi lang sila sa healthcare system tumutulong ngayon kundi ma­ging sa iba pang sektor.

Kamakailan nga, umagapay ang Pitmaster sa pagtatanim ng ­maraming puno sa lalawigan ng Albay.

Kaya laking pasasalamat ng mga Albayanons sa ginawa ng ­foundation.

Nagtanim kasi ng maraming bakawan o mangrove ang grupo ni Cong. Joey Sarte Salceda sa Barangay Cawit, Manito, Albay. Bahagi iyon ng birthday celebration ng kongresista.

Nanguna bilang mga partner ng proyekto ang Pitmaster, katuwang ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ­Regional Office V.

Kung hindi ako nagkakamali, nakasama rin nila ang PRO5, BJMP ROV, BFP ROV, NAVFORSOL, AYFP members, D Beach Camp, ­Barangay Cawit, Manito Officials, PCA ROV, DPWH 2DEO, SK Federation President, LGU Manito at iba pang partners.

Kahanga-hanga ang environmental action ng grupo. Tinatayang 1,000 mangroves daw ang naitanim nila sa aktibidad na iyon.

Mahalaga ang mangrove propagules upang lalo pang maprotektahan ang protected site sa Brgy. Cawit.

Gaano nga ba kahalaga ang mga bakawan o mangroves? Hindi maitatanggi na ang mga bakawan kasama ang mga baybaying ito ay nagbibigay ng iba’t ibang mapagkukunan na nagbibigay ng pagkain at pangkabuhayan sa maraming mga Pilipino.

Mayaman sa mga kagubatang bakawan ang bansa na sinasabing naglalaman ng 50% ng kabuuang species ng bakawan ng mundo.

Bumaba nga lang ito noong nakaraang siglo.

Nabatid na noong 1970s, gumawa ng aksyon upang protektahan ang natitirang kagubatan ng bakawan sa ilalim ng isang inisyatiba ng gobyerno, kinikilala ang ecological benefit na maaaring dalhin ng mga bakawan gaya ng pagbibigay ng mainam na lugar para sa mga isda, hipon, alimango, at iba pang mga shellfish.

Nariyan din ang species ng isda, tulad ng barracuda, tarpon, at snook na sumisilong daw sa mga ugat ng bakawan.

Aba’y nasa 75% ng mga nahuhuling komersyal na isda ang ­gumugugol ng ilang oras sa mga bakawan. Ganyan kahalaga ang mga bakawan sa ating mga yamang dagat.

Kaya maraming salamat sa Pitmaster Foundation, kay Cong. Salceda at sa iba pang partners sa pangunguna sa mangrove out planting.

Saludo kami sa inyo.

God bless and more power po!

77

Related posts

Leave a Comment