ALISIN ANG SENIOR CITIZEN BOOKLET REQUIREMENT – CONG. ERWIN TULFO

TARGET ni KA REX CAYANONG

IGINIIT ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS Party-list Representative Erwin Tulfo na dapat nang alisin ang senior citizen booklet bilang requirement o kinakailangang dokumento para makakuha ng diskwento ang mga nakatatanda.

Ginawa ni Tulfo ang panawagan sa gitna ng pagsusuri ng Kamara ukol sa wastong pagbibigay ng mga pribilehiyo sa mga senior citizen, persons with disabilities (PWD), at iba pang sektor na nangangailangan ng suporta.

Ayon kay Tulfo, tila insulto ang senior citizen booklet sa mga lolo at lola, ano pa’t ito’y nagbubunga ng negatibong pananaw mula sa mga establisimyento na nag-aakala na ang mga senior ay maaaring manloko.

Isang malupit na parusa raw ito sa mga matatanda na nais lamang magkaroon ng abot-kayang presyo sa kanilang mga binibili.

Para sa mambabatas, sapat na ang senior citizens ID bilang patunay ng kanilang kwalipikasyon para sa diskwento.

Ito’y naglalaman ng personal na impormasyon ng senior citizen at nagsisilbing tanging ebidensya ng kanilang edad at karapatan sa mga benepisyong ibinibigay sa kanila ng batas.

Ang suporta ng iba pang kongresista sa mungkahi ni Tulfo ay nagpapakita ng pangangailangan na baguhin ang umiiral na sistema at kilalanin ang karapatan at dignidad ng mga senior citizen.

Sakaling maalis ang senior citizen booklet bilang requirement, magkakaroon ng mas madali at mabilis na proseso para sa kanila na makakuha ng diskwento.

Sa pagkakaroon ng malawakang suporta mula sa iba’t ibang sektor, inaasahan natin na ang panawagan ni Tulfo ay magbubunga ng positibong aksyon mula sa gobyerno.

Isa itong hakbang patungo sa mas mabilis na pagbibigay ng kalinga at paggalang sa ating mga nakatatanda, na nagiging mas mahalaga lalo na sa panahon ngayon na puno ng pagsubok ang ating lipunan.

Mahalaga nga naman na gawing prayoridad ang kapakanan ng ating mga senior citizen, itaguyod ang kanilang dignidad, at gawing mas magaan ang kanilang buhay sa pamamagitan nang pag-aayos ng mga alituntunin na nagbibigay ng benepisyo sa kanila.

81

Related posts

Leave a Comment