ALLWIN CONTAINERS 1140-1141 BINILI NG P600,000 NG NANALONG BIDDER?

RAPIDO NI TULFO

ISINAILALIM na sa auction ang natitirang Allwin containers 1140-1141 nito lang Lunes at ang nanalo ay isa raw sa mga miyembro ng grupo ni Robert Uy na ABBC (Association of Bidders at the Bureau of Customs), kung pamilyar sa inyo si Robert Uy ay dahil sila ang nanalo sa bidding ng labing-anim na Allwin containers nito lang nakaraang taon.

Ang distribusyon ng naturang mga laman ng 16 containers ng Allwin ay naging magulo kung saan kami ay nakatatanggap pa rin ng mga reklamo dahil sa nawawalang balikbayan boxes.

I find the result of that bidding very interesting dahil ayon sa ating impormante sa loob, na ang floor price na itinakda ng BOC sa dalawang Allwin containers ay nasa P65,000 pesos lang pero mayroon nagbid ng P600,000 para dito!

Sa mga hindi nakakaalam sa istorya ng mga abandonadong Allwin containers, maaaring masabi ng mga ito na wala silang nakikitang irregularidad sa kinalabasan ng bidding bagkus, ito nga ay pabor sa gobyerno dahil ang proceeds o kinita ay pupunta sa kaban ng bayan.

Lingid sa kaalaman ng marami, hindi ordinaryong containers ang isinailalim sa bidding, ito ay parte ng 18 Allwin containers na naglalaman ng mga padala ng ating mga kababayang OFWs na nagtatrabaho sa UAE.

Ang bidding ay isinagawa lang upang sundin ang patakaran ng Bureau of Customs regarding sa naabandonang mga kargamento na nasa kanilang pangangalaga. Sa ating panayam kay BOC Dir. Michael Fermin, inamin nitong siya ay nagulat sa resulta ng auction.

Ayon Kay Fermin, sinabihan na raw n’ya ang ibang gustong sumali sa auction sa naturang sa containers, na wala silang mapapala dito dahil ang laman ng mga ito ay ipamamahagi sa mga pamilya ng OFWs dito sa bansa na matagal nang hinihintay ang mga ito.

At kung susundan natin ang lohika ng sinabi ni Director Fermin, walang negosyante ang gugustuhing sumali dito dahil wala naman silang mga mahihita dito. P600,000 na bid para sa dalawang containers lang na ang laman ay less than the value of the content of those containers dahil karamihan sa mga ito ay expired na, ayon mismo sa mga kababayan nating OFWs na humingi ng tulong sa atin.

At dahil sa hindi sa inaasahang resulta ng bidding, tinanong ko si Director Fermin kung pwedeng ipawalang-bisa ito, sinabi niya na magkakaroon siya ng pulong sa BOC officials na nagsagawa ng bidding. Abangan natin ang mga susunod na kabanata.

79

Related posts

Leave a Comment