ALTERNATIBO BA ANG TAMBALANG LACSON-SOTTO?!

0

NAPAKATINDI ng baha sa maraming bahagi ng Metro Manila nitong Hulyo 21, tapos inanunsiyong siguradong tatakbo sina Senador Panfilo Lacson sa pagkapangulo at Senate President Vicente Sotto III sa pagkabise – presidente.

Walang problema riyan.

Tapos, inihayag din ni Sotto ang kanilang sampung kandidato sa pagiging senador.

Hindi problema ‘yan.

Ang problema ay ang iwinasiwas ni Sotto na “alternatibo” ang tambalang Lacson-Sotto.

Pokaragat na ‘yan!

Kailan naging alternatibo kung ang mga kakandidato sa pagiging pangulo at pagiging pangalawang pangulo ay parehong beteranong politiko at ang mga patatakbuhing mga senador ay pawang mga matagal nang politiko?

Sabi ni Sotto, hindi maka-administrasyon at hindi rin maka-oposiyon ang tambalan nila, kaya ito naging alternatibo.

Naging presidente lang ng senado at pangulo ng ­Nationalist People’s Coalition (NPC) ay binago na ni Sotto ang kahulugan ng alternatibo.

Ang nakadidismaya, ikinahon niya sa tambalan ng mga beteranong senador tulad nilang dalawa ni Lacson ang konsepto ng alternatibo.

Sa konteksto ng pulitika, napakabigat ng kahulugan, ­esensiya at layunin ng konseptong alternatibo.

Ang pinakasimpleng paliwanag nito ay pamalit sa mga nangunguna at naglalakihang tradisyunal at bulok na mga politikong lalaban sa halalan para sa dalawang pinakamataas na posisyon sa pamahalaan.

Politiko sina Mayor Sara Duterte – Carpio, Mayor Isko Moreno, Senador Emmanuel Pacquiao, Pangulong Rodrigo Duterte, Bise – Presidente Maria Leonor Robredo, dating Senador Antonio Trillanes IV at dating Senador Ferdinand Marcos Jr., sinu-sino ngayon ang ipapalit ng mamamayang Filipino?

Sina Lacson at Sotto ang pamalit, o alternatibo, samantalang walang dudang sagad-saring mga politiko rin ang dalawang ito.

Kung alternatibo, dapat iyong mga kandidato ng nagkaisang mga samahan ng mga batayang masa, o ng marhinalisadong sektor, tulad ng mga lider-manggagawa, pinuno ng mga magsasaka, ng mga ­mangingisda, katutubo, maralitang-tagalungsod at iba pa.

Sila ang totoong alternatibo!

Hindi rin maituturing na alternatibo kung mga kongresista ng party-list groups dahil politiko ang karamihan sa kanila.

Pinasok nila ang mundo ng mga pangkaraniwang tao, hindi upang paglingkuran nila ang mga ito nang tapat at totoo, kundi upang maging kongresista – at maging makapangyarihan.

Tama po ba Rep. Argel Joseph Cabatbat at Rep. Raymond Democrito Mendoza?

Kaso, wala tayong magagawa kung trip ni Sotto na tawaging alternatibo ang tambalan nilang dalawa ni Lacson upang magkaroon lang ng kakaibang bansag sa kanila.

Ang mahalaga ay tiyakin ng tambalan nila na mayroon silang totoong pamalit na mga solusyon sa napakaraming suliranin ng Pilipinas sa West ­Philippine Sea (WPS), katiwalian at korapsyon, kontraktuwalisasyon, ­milyun-milyong walang trabaho, mababang pasahod, patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, droga, utang sa mga pampinansiyang institusyon at marami pang iba.

Kung ang solusyon nina Lacson at Sotto ay tulad ng mga ginawa ng kasalukuyan at nakalipas na administrasyon ay huwag nilang igiit na alternatibo ang tambalang Lacson-Sotto.

Mas maganda kung hindi na nga tatakbo ang dalawang ito.

Pokaragat na ‘yan!

oOo

CP: 09985650271 / Viber #: 09457016911

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment