AMBISYOSONG KABALYERO

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

SA gitna ng kabi-kabilang bantang dulot ng sigalot sa pagitan ng Pilipinas at bansang China, higit na angkop ang isinusulong na idealismo ng Knights of Rizal, na halaw sa pangalan ng pambansang bayaning si Gat Jose Rizal.

Sa makabagong panahon kung saan hindi nabibigyan ng karampatang diin ang pagiging makabayan, higit na kailangan isulong ang wastong kamulatan sa hanay ng mga Pilipino – at ‘yan mismo ang landas na tinatahak ng mga kabalyero sa likod ng naturang organisasyon.

Gayunpaman, tila niyanig ng kontrobersya ang Knights of Rizal dahil sa pansariling interes ng isang grupong hangad kontrolin ang prestihiyosong organisasyon.

Wala nang paikot-ikot pa, tukuyin na natin ang intrigerong kabalyero. Siya si Danilo Peralta. Alegasyon ni Peralta, may milagrong naganap sa pananalapi ng Knights of Rizal.

Totoo naman may mga utak-sindikatong nagsamantala at nakinabang sa Knights of Rizal. Ang masaklap, sa iba niya ibinintang ang bulilyaso ng kanyang sariling grupo… ika nga ng matatandang journo, iwas-pusoy.

Dangan naman kasi, fake news ang impormasyong ikinalat ni Ginoong Peralta.

Ayon kay Peralta, naganap ang panggagahasa sa pondo ng Knights of Rizal sa panahon ni Gerardo Calderon bilang Supremo. Pero batay sa pagsusuri sa datos ng Knights of Rizal, nangyari ang katiwalian sa mas naunang pamunuan.

Katunayan, sinampahan na ng kaso ang mga dating opisyales na nagbulsa ng P1.5 milyon.

Base sa record ng pananalapi ng Knights of Rizal, P96,500 lang ang salaping dinatnan ni Calderon nang mahalal bilang Supremo.

Pero sa kabila ng halos bangkaroteng pondo, hindi lang niya basta pinagkasya ang limitadong pananalapi ng organisasyon. Napaunlad ni Calderon ang Knights of Rizal hanggang sa dumating ang takdang panahon na kailangan na niyang bumaba sa pwesto bilang Supremo.

Sa kanyang pagbaba sa tungkulin, iniwan niyang busog ang deposito ng Knights of Rizal – tumataginting na P3.09 milyon at mahabang talaan ng mga makabuluhang programa at proyekto – bukod pa sa libo-libong bagong kasaping nag-ambag ng malaking tulong sa adhikain ng Knights of Rizal.

Katunayan, nasa humigit kumulang 25,000 na kasapi ng halos 200 chapters sa Pilipinas at iba pang bahagi ng mundo kung saan isinusulong ang idealismo, kabayanihan, pagiging makabayan at aral na iniwan ng pambansang bayani ng Pilipinas na si Dr. Jose Rizal.

Nakalulungkot isipin na ang isang katulad lang ni Ginoong Peralta ang nais sumira sa dakilang adhikain na isinusulong at pinangangaral ng mga tunay na kabalyero sa nakalipas na 113 taon.

At si Peralta? Asa ka pa… peke rin ‘yan tulad ng kumakalat na fake news.

77

Related posts

Leave a Comment