AMINADONG MABAGAL DAHIL SA HALALAN

PAGKATAPOS ng halos dalawang taon, nanatiling dambuhalang hamon ang nakamamatay na pandemya – sa kabila pa ng mga nagsulputang gamot kontra COVID-19.

Ang totoo, hindi lamang naman tayong mga Pinoy ang dumaranas ng dagok na dala ng salot. Pero sadyang katangi-tangi ang Pilipinas, batay sa pag-amin ng isa sa mga punong tagapagpaganap ng National Task Force Against COVID-19.

Ayon kay vaccine czar Carlito Galvez, bumagal ang dati nang makupad na vaccine rollout, sabay sisi sa dalawang pangyayari – ang pananalasa ng bagyong Odette noong Disyembre 16 at ang nalalapit na halalan sa Mayo.

Sa isang banda, totoo naman pahirapan ang sitwasyon sa mga binayong lalawigan sa Visayas at Mindanao kung saan halos hawanin ng balasik ng bagyong Odette ang

lahat ng daanan.  Sadyang nawala sa ayos ang mga pasilidad, mahirap hagilapin ang mga babakunahan, bukod pa sa mga naiulat na nasirang bakuna.

Ang nakalulungkot ay yaong isang pinagbuntungan ng sisi ng opisyal – ang halalan sa Mayo.

Nakadidismayang isiping isinisi sa halalan ang pagkaantala ng bakunahan gayung mandato naman ng National Task Force Against COVID-19 ang tiyaking mabigyang proteksyon ang lahat laban sa nakamamatay na karamdaman.

Kung susuriin ang mga aktibidades ng mga lokal na pamahalaan, tuloy-tuloy naman ang bakunahan hanggang may suplay na maaasahan. Katunayan, tanging pahinga nila, kapag nauubusan lang.

Kung may pagbagal man, tiyak hindi pagkukulang ng LGU ‘yan kundi ng mga itinalagang taong gobyernong inatasang bumili – kundi man manghingi ng donasyong bakuna para sa mamamayan.

Eh sino nga ba ang inatasan ng Pangulo sa kanyang direktiba? Hindi ba’t si Galvez mismo?

Nangangahulugan bang abala si Galvez at iba pang mga piling opisyal na bumubuo ng National Task Force Against COVID-19 sa nalalapit na halalan? Eh sino naman kaya ang kanilang pinagkakaabalahan?

Related posts

Leave a Comment