ANG BANTAY NI BANTAG AT SIYA AY NABITAG

MY POINT OF BREW Ni JERA SISON

MATAGAL ko nang nararamdaman na sa dulo ng sinusundan natin na kabanata sa pagpas­lang sa kapatid natin sa media na si Percy Lapid, isang mataas na opisyal sa loob ng Bureau of Corrections (BuCor) ang maaaring may kinalaman sa nasabing karumal-dumal na krimen.

Sa pagpasok ng linggong ito, inanunsyo ng tanggapan ng DILG at DOJ ang pormal na pagsampa ng kasong murder laban nasuspindeng si BuCor director general Gerald Bantag hinggil sa pagpatay kay Percival Mabasa alyas Percy Lapid at Crisanto Villamor na mas kilalang ‘middleman’ o nag-ayos sa pagpatay kay ­Lapid. Kasama sa kaso ng murder ay si BuCor Deputy Security Officer (DSO) Ricardo Zulueta at iba pang sangkot sa pagplano sa murder.

Isinampa ang kaso sa prose­cutor’s office ng DoJ “For the murder of Percival Carag Mabasa, better known as Percy Lapid, we have charged director general Gerald Quitaleg Bantag, DSO Ricardo Zulueta as principals by inducement,” ayon kay NBI special action unit investigator Eugene Javier.

Ang mga isinama sa kaso na umano’y sangkot sa pagpatay kay Lapid ay sina Denver Batungbakal Mayores, Alvin Cornista Labra, Aldrin Micosa Galicia at Alfie Peñaredonda. Samantalang sila Mario Germones Alvarez at Joseph Medel Georfo ay isinama sa kaso bilang “principals by indispensable cooperation”. Kasunod dito ay idinawit din sina Christam Dizon Ramac, Ricky Lamigo Salgado, Ronnie Pabustan Dela Cruz, at Joel Alog Reyes na sinampahan bilang “principals by direct participation.” Tila nagmistulang isang malaking sindikato ang nagpapatakbo ng Bilibid Prison.

Kung tama ang mga ebidensya na nakalap ng NBI at PNP, ang hepe ng BuCor ang nagsisilbing “Godfather” at hawak niya ang lahat ng grupo sa loob ng preso. May awtoridad at maaaring magbigay ng basbas kung sino ang pwedeng ligpitin sa loob at labas ng Bilibid Prison. Matatandaan na sunod-sunod din ang pagpanaw ng ilan sa mga nakulong na drug lords sa Bilibid Prison.

Ang ibinigay na dahilan ay tinamaan ng COVID-19 at kailangan na sunugin nang madalian ang kanilang bangkay. Walang autopsy sa mga umano’y tinamaan ng nakamamatay na sakit.

Pinag-aaralan din ang anggulong ito kung may kinalaman si Bantag dito upang iparamdam sa mga lider ng preso kung sino ang dapat na tingalain bilang hari o ‘Godfather’ ng Bilibid Prison. Kung mapatutunayan ang lahat ng ito, tila umabot na sa ulo ni Bantag ang sinasabing kapangyarihan. Ang tingin niya ay madaling patahimikin ang isang tao sa pamamagitan ng pagliligpit nito. Nawala na ang pinaka-pakay o dahilan kung bakit pinapasok ang kriminal sa kulungan. Ito ay upang magsilbing aral at pagreporma ng isang indibidwal na nagkaroon ng sala sa lipunan. Lumalabas na tila naging isang malaking ‘mafia’ ang patakbo sa Bilibid Prison sa ilalim ni Bantag.

Saludo ako sa walang tigil at mabilis na resulta ng imbestigasyon sa kaso ni Percy. Hindi nagtagal ng isang buwan upang malaman ang mga utak sa nasabing krimen. Kaibigan ko ang kapatid ni Percy na si Roy. Masakit at mahirap ang pinagdadaanan nila sa pagkawala ni Percy. Sa pagsarado ng kaso ito, nalaman ang utak ng nasabing krimen at nakamit ng pamilya Mabasa ang hustisya.

Ang nakamamangha sa kaganapang ito ay ang katungkulan na maayos na pagbantay ni Bantag sa mga preso. Subalit gamit ang otoridad sa pagpatay ng tao na laban sa kanya. Kaya naman dahil sa masusing imbestigasyon ng PNP at NBI sa ilalim ng DILG at DOJ, nabitag si Bantag.

29

Related posts

Leave a Comment