ANG GULO NG MUNDO

DPA ni BERNARD TAGUINOD

ISA ako sa mga sumusubaybay sa mga kaganapan sa iba’t ibang bahagi ng mundo at medyo kinakabahan ako dahil mukhang may mga grupong gusto talagang magkagulo at naghahanda na sa World War III.

Maraming nababahala na ang giyera sa pagitan ng Israel at Hamas na umano’y mga terrorist group ay posibleng tumagal at kumalat sa Gitnang Silangan dahil muli na namang nagkakaisa ang Arab leaders laban sa Israelis.

Mukhang nauulit ang kasaysayan ng World War II na ang tinarget ng berdugo ng kasaysayan ng mundo na si Hitler ay ang Jews matapos nilang patayin ang 6 milyong lahi ng mga taong itinakas ni Moses sa mula sa kalupitan ni King Rameses II ng Egypt, patungong Israel na ayon sa Bibliya ay promised land.

Hindi pa rin matapos-tapos ang giyera sa Ukraine matapos lumaban ang Ukranians sa tulong ng makapangyarihang mga bansa sa mundo tulad ng United States (US) at European countries.

Binigo nila si Russian President Vladimir Putin na sakupin ang Ukraine sa loob ng tatlong araw at hindi papayag ang US at EU countries na magtagumpay ang Russia na palawakin pa ang kanilang emperyo.

Sa Asia, nagbitiw ng salita si North Korean leader Kim Jong Un ng “We are on the threshold of World War III and everyone must PREPARE!” kaya kung manggugulo at sasabayan ng diktador na ito ang giyera sa pagitan ng Israel at Hamas ay posible ngang nasa bingit na ng WW3 ang mundo.

Hindi tayo libre sa giyerang ito kung nagkataon (huwag naman sanang mangyari) dahil interesado ang China sa likas na yaman ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS) tulad ng isda, langis at gaas.

Malapit din tayo sa Taiwan na kinukursunada ni Xi Jinping noon pa na ibalik ang bansang ito sa mainland China at may mga impormasyon na handa ang mga ito na lumusob anomang araw o oras.

Hindi lang ang makapangyarihang mga bansa ang nagkakagirian dahil siguro sa kanilang kagahaman sa kapangyarihan, ito ang nagpapagulo sa mundo ngayon dahil maging ang kanilang mamamayan ay nagpapatayan.

Malamang ay lagi kayong nakababasa ng mga report sa ibang bansa hinggil sa mass shooting sa Amerika na kagagawan ng desperadong mga tao na ang kanilang biktima ay hindi ang gobyerno kundi ang mga inosenteng mamamayan.

Ngayon ay kabi-kabila rin ang kilos protesta ng migrants sa EU countries na karamihan ay ilegal na tumakas sa kanilang bansa, para kondenahin ang Israel sa patuloy na pagbobomba sa Hamas sa Gaza.

Pero umaasa pa rin ako na hindi mangyayari ang WW3 at magigising ang buong mundo na walang nananalo sa giyera. Lahat ay talo lalo na ang mga sibilyan, bata, kababaihan at matatanda, ang pangunahing mga biktima ng kagahaman ng world leaders.

299

Related posts

Leave a Comment