Sigurado naman na may tiwala pa rin si Pangulong Duterte kay PNP chief Gen. Oscar Albayalde sa kabila ng kontrobers’ya na kanyang kinasasangkutan kasi nasa puwesto pa s’ya. Pero kung pagbabasehan ang sinasabi ngayon ng Palasyo na dapat ay ‘competent and honest’ ang magiging successor n’ya, eh ang ibig bang sabihin ay kabaligtaran s’ya nito?
Sadyang may asim pa si Albayalde kay Digong kasi dating sinasabi ng huli na ‘mere whiff of corruption’ ay tigbak na kaagad sa kanya, pero hindi ito nangyari sa una dahil untouchable pa rin s’ya at hindi n’ya pakikinggan ang sigaw ng marami, marami nga ba talaga hehe, na mag-resign na for delicadeza, ‘ika nga.
Sabihin man n’ya na napolitika itong si Albayalde na sa totoo lang ay ‘di matatawaran ang husay bilang PNP chief kaya lang kung talagang malinis s’ya at walang putik na maibabato sa kanya kahit anong pagpiga ang gawin nila sa kanya ay balewala din sana, ang kaso ang ‘ninja cops’ issue ay tila mabigat na kanyang dalahin ilang araw bago s’ya magretiro. Tsk, tsk, tsk, tsk!
SOCA ni Mayor Oca: Mga dambuhalang proyekto pa ang ipagagawa
Sa kanyang State-of-the-City Address (SOCA), ipinahayag ni Caloocan Mayor Oca Malapitan na mas marami pang dambuhalang proyekto ang isasagawa ng kanyang administrasyon sa huling tatlong taon ng kanyang panunungkulan bilang Ama ng Lungsod.
Kabilang dito ang mga programa para sa pagpapaunlad ng edukasyon, imprastraktura, kalusugan, kalinisan, kaayusan, ekonomiya at kapakanan ng bawat mamamayan.
“Lahat ng ‘yan ay ating naisagawa dahil sa patuloy ninyong pagtitiwala at kooperasyon sa akin at sa pamahalaang lungsod. Hindi ko ito magagawa lahat kung wala ang bawat isa.”
Ipinagmalaki rin n’ya ang mga pagkilala na natanggap ng lungsod sa ilalim ng kanyang pamumuno.
“Matagumpay nating nakuha ang prestihiyosong Seal of Good Local Governance sa apat na sunud-sunod na taon mula 2015 hanggang 2018. At nawa’y sa sama-sama nating paglilingkod ay muli nating mapagtagumpayan ang parangal para sa ikalimang taon.”
Malaking pasasalamat n’ya sa suporta ng mga opisyales tulad nina District 1 Cong. Along Malapitan, Vice Mayor Maca Asistio at city council sa pangunguna nina Councilor Obet Samson at Councilor Carding Bagus. (Early Warning / ARLIE O. CALALO)
329