ANG JEEPNEY BILANG MUKHA NG PINOY

Psychtalk

(Huling bahagi)

Napagtanto ko, kahit naman siguro araw-araw mag-transport strike ay hindi na mapipigil ang paparating na pagbabago at nakatakdang kapalaran ng Pinoy jeepney.

Kailangan na rin kasing umangkop sa malawakan at mabilis na mga pagbabago sa iba’t ibang antas at aspeto ng buhay Pinoy.

Anupaman ang kahihinatnan ng usapin ng jeepney, mayroong isang matingkad na alaala o kaisipang lagi at lagi ay maiuugnay ko rito – ang katatagan ng ordinaryong Pinoy.

Masasalamin sa mga imaheng may kaugnayan sa jeepney  ang mga pagsisikap ng mga Pinoy na umangkop at humarap sa mga hamon ng buhay; ang kagalingan lalo na ng mga masang Pinoy na humanap ng paraan makaagapay lamang sa mga patung-patong na hirap at pagsubok.

Paborito kong maalala ang madalas na itsura ng mga jeep na bumibiyahe sa ilang malalayong probinsyang napuntahan ko na. Gayun na rin sa pinanggalingan kong bayan sa norte.

Noong hindi pa natatalo ng mga tricycle ang mga jeep bilang hari ng daan, haring-hari talaga ang mga huli. Nakadepende sa kanila ang pang-araw-araw na paghahanapbuhay ng mga taganayon: ‘yung mga nagdadala sa bayan ng mga ani sa bukid; ang mga mag-aaral, mga guro, mga magsasaka na nagpapakis-kis ng mga palay sa bayan at kinakailangang bumili ng mga pangangailangan ng pamilya.

Kung wala rin namang gaanong bibilhin sa bayan kundi kaunting asukal o pang-ulam lang na isda, pwede na ring ipakiusap minsan sa mabait na jeepney driver na magpabili na lang sa kanya.

Para sulit ang biyahe dahil sa mahal ng gasolina, napipilitan ang mga driver na magsakay ng mas higit pa sa kapasidad para mas marami nga namang masisingil na pamasahe. Diyan nauso ang mala-bulaklak na itsura ng mga jeep na pumapasada sa malalayong probinsya.

Di ko mawari minsan paano pa nakaaandar nang maayos ang jeep na punumpuno sa loob – may nagkakandungan, may pangmahaba pang bangkito na nasa gitna ng magkaharap na upuan at isa pang tablang isasabit sa pintuan ng jeep sa likod na pwedeng upuan ng dalawa o tatlo pang tao. Ang mga pinamili o paninda o mga dala-dalahin ng mga pasahero ay nakasiksik sa ilalim ng mga upuan. May mga nakasabit sa tagiliran at likuran at maraming mga lalaki ang nakaupo sa ibabaw ng bubungan ng jeep. Sa Pilipinas lamang yata ang eksenang ito! Isang larawan ng lakas at tibay ng loob ng mga maliliit nating kababayang  kailangang umigpaw sa mga pang-araw-araw na hamon ng buhay.

Sa mga susunod na panahon, malamang tuluyan nang mawawala ang mga eksenang ito. Mag-iibang porma na rin ang hari ng kalsadang halos matagal na ring inaalis sa trono. Ngunit tiwala tayo, maiiwan nito ang tatak ng Pinoy…makulay, masayahin, ‘di nauubusan ng pag-asa, mapamaraan, marunong makipagkapwa kahit sa pinakamahihirap na sitwasyon. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)

148

Related posts

Leave a Comment