MY POINT OF BREW ni JERA SISON
ISANG bagong alternatibong pampublikong sasakyan ang inaasahang makatutulong sa maraming pasahero ngayong nalalapit na ang Kapaskuhan. Marami sa atin ang nagkukumahog na namang bumiyahe sa mga lansangan para mamili ng pangregalo at kaakibat nito ang hamon para maghanap ng komportableng masasakyan na mura at maaasahan.
Nito lang Miyerkoles, tinugon ng JoyRide ang pangangailangan ng publiko at naglunsad na isang bagong serbisyo na tinawag nilang Super Taxi.
Ano nga ba itong Super Taxi? Alam ninyo, ang JoyRide ay isang kumpanyang lokal na nagbibigay ng paraan para may masakyan ang publiko sa pamamagitan ng tinatawag na ride-hailing application o pag-book ng motorcycle taxi gamit ang teknolohiyang digital.
Kaya naman nakapag-isip ang JoyRide na magkaroon ng kakaibang taksi na talaga namang mapapa-wow kayo kapag makita at masakyan ito.
Ang maganda sa Super Taxi ay para kang nasa ibang bansa kapag nakasakay ka rito. Ito ay kulay itim katulad ng Japan JPN taxi na ginamit noong Tokyo Olympics at ito ‘yung parang nakikita natin na taxi sa London. Brand new, maganda at malamig ang loob nito na may mga infotainment na pwedeng gamitin at panoorin ng pasahero para ‘di mainip sa matinding trapik.
Ano ba ang pagkakaiba ng Super Taxi sa kasalukuyang mga taxi sa lansangan? Marami. Kasi bukod sa pwedeng parahin ito sa kalsada, maaari ring mag-book ang publiko gamit ang superapp platform ng JoyRide.
Baka naman mahal at mabubutas ang bulsa ng mananakay? Ayon kay Noli Eala, senior vice president ng corporate affairs ng JoyRide, walang dagdag na babayaran ang pasahero kasi may Kasundong Metro ang Super Taxi. Ang bayad at patak ng metro ay katulad lang ng regular na taksi. Eh ‘di Wow.
Noong pasinaya nga ng Super Taxi, ang mga tampok na panauhin nila tulad nila LTO Chief Vigor Mendoza, MMDA Chairman Don Artes at ang representative ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III na si Office of Transportation Cooperatives Chairman Andy Ortega, ay natuwa, namangha at nasorpresa sa uri ng sasakyan na ginamit para sa Super Taxi.
Sinabi pa ni Ortega sa panayam sa media, kung bakit ang kategorya ng Super Taxi ay ngayon lamang naisip. Salamat daw sa JoyRide sa kanilang pag-umpisa ng ganitong uri ng taksi.
“It’s worth it and it’s one of the best decisions ng LTFRB sa pag-approve ng JoyRide Super Taxi,” ang sabi ni Ortega.
May bilang na 25 units ang Super Taxi na papasada muna hanggang sa katapusan ng taon. May plano ang JoyRide na dagdagan pa ang unit pagpasok ng susunod na taon.
Ang maganda pa rito, hindi inisip ng JoyRide na sila lamang ang makikinabang at kikita sa paglunsad ng Super Taxi. Bukod sa itataas ng Super Taxi ang kalidad ng paglalakbay ng mga pasahero sa mga lansangan, bibigyan din ng oportunidad ng JoyRide ang mga drayber na maging kanila ang Super Taxi na minamaneho nila.
May tinatawag na leasing agreement ang JoyRide at mga Super Taxi drayber na kung saan bukod sa boundary system, maghuhulog ang drayber ng kaukulang halaga na kapag nakumpleto nila sa loob ng ilang taon, magiging kanya na ang unit.
Dahil dito, masusing pinipili ng JoyRide ang magmamaneho ng Super Taxi gamit ang kanilang istriktong hiring system sa kanilang mga motorcycle taxi driver.
Sigurado ang mananakay na ang mga drayber ng Super Taxi ay magalang, naka-uniporme at ang kaligtasan ng pasahero ang unang pakay nila.
Malaki ang maitutulong ng JoyRide sa paglunsad ng Super Taxi para bigyan ang publiko ng ligtas, abot-kaya at maasahang paraan ng pampublikong transportasyon. Ito ay bahagi ng kanilang adhikain na maging premier mobility company sa buong bansa. Bukod sa motorcycle taxi, may delivery services din sila.
Sa kasalukuyan, may 30,000 libong driver-partner ang Joy Ride para sa kanilang mga 2-wheel at 4-wheel na mga sasakyan na naghahatid ng mga pasahero sa Kamaynilaan, Rizal, Bulacan, Cavite, Laguna, Cebu at Baguio. May plano itong magbigay ng katulad na serbisyo sa Pampanga at Ilocos Norte. O, saan ka pa?!
226