ANG KATAPATAN SA DIYOS

FOR THE FLAG

MALALAMAN ng bawat tao kung ano talaga siya kapag siya ay nag-iisa. Ang pinaka-tunay na sarili ay masusumpungan sa pagkakataon ng pag-iisa.

Nakikita ng Panginoon ang lahat, ang lakas at kahinaan ng bawat tao. Walang maitatago. Ang pinakamagaling man na magsinungaling ay hindi makapagtatago sa langit. May katapat ang lahat ‘ika nga.

“Ang nabubuhay sa tabak ay mamamatay sa tabak,” wika ni Hesus. Sino nga ba ang makapagtatago ng kanyang krimen? Wala. Nakatutok ang mga mata ng langit sa bawat nilalang, walang detalye na nakakawala.

Maging ang mga nagpapanggap na mga pastol umano ng mga tupa ng Diyos ay hubad sa paningin ng langit, sapagkat bunyag ang puso kahit pa takpan ng patung-patong na habito.

Bakit nga ba kailangan ng bawat tao na maging mabuti? Sapagkat ‘yang kabutihan ang kaaya-aya sa mga mata ng Diyos at ang kasamaan ay kanyang kinasusuklaman. Ang talino ng tao ay inilandas lamang siya sa pagkakalito, dahil paano nga ba iwawasto ang isang kasinungalingan ng isa pang kasinungalingan? Hangga’t ang mga landas ay magkawing-kawing, magkabuhul-buhol, ang mga lagusan ay paparoo’t paparito nang walang hanggang walang pagkakaratingan dahil ligaw.

Nagagamit ang pangalan ng Diyos sa negosyo, pinagkakakitaan ang relihiyon sa pangako nitong papawiin ang ­pagka-uhaw ng mga kaluluwa. Ngunit walang pagkatuto, walang liwanag na matanaw, walang pagkakaratingan, dahil inililigaw pang lalo sa pagkakabuhul-buhol na mga landasin ng bulag na pastol.

Ang pag-ibig ay pinalitan ng libog, ang pananampalataya ay pinalitan ng paghahangad ng kapangyarihan at kayamanan, ang mga parang ay lalo lamang pinuno ng tinik at ang mga burol ay umaalingawngaw ng mga pangalan ng mga nangamamatay.

Hindi talos ng isip ang Henyo ng Sangkalikhaan. Puso sana, ngunit masyado nang dinumihan ng paghahangad at panglalamang sa kapwa tao.

Hindi sana sa tao, kundi sa Diyos nakatuon ang mga mata. Isang bilyonaryong kaibigan bago siya binawian ng buhay ay nagturan sa akin, “Kaibigan, hindi pala sa tao dapat nakatuon, dapat sa Diyos lamang dahil sa Kanya ay ang buong kaluwalhatian.

Mahirap man o mayaman ay pareho lamang sa harap ng Panginoon, sa puso nakatingin ang Diyos at hindi sa ganda at hugis ng mga nilalang. (For the Flag / ED CORDEVILLA)

185

Related posts

Leave a Comment