ANG KATOTOHANAN SA PAG-ALIS NI RAMON TULFO SA 1NATURALEZA AT RTT CARGO

RAPIDO ni PATRICK TULFO

NITONG Martes ng tanghali lang ay kausap ko ang aking ama na si Ramon Tulfo Jr., ang dating CEO ng networking na 1Naturaleza na pag-aari ni Maribel Galindez.

Si Maribel Galindez ay isang networker mula sa Powerhomes at ito ngang 1Naturaleza, ay kanyang itinatag maraming taon na ang nakararaan.

Sa basbas na ibinigay sa akin ng aking ama, ilabas ko na raw ang tunay na dahilan ng kanyang pag-alis sa mga kumpanya ni Galindez kung saan siya ay inilagay bilang CEO o bilang mukha ng kanilang negosyo.

Ayon sa aking ama, naloko siya ni Galindez. Na-scam ika nga. Ibinigay niya kay Galindez bilang investment, ang kanyang retirement money na hindi basta-basta ang halaga. Ito ay dahil sa paniniwala niyang lehitimong negosyante itong si Galindez at mapalalago ang kanyang pera na bunga ng ilang taon niyang pagtatrabaho bilang journalist.

Hindi umano niya alam na may kaliwa’t kanang warrants of arrest si Galindez dahil sa mga kasong ESTAFA. Dahil kung alam niya ay hindi na niya papasukin pa ang negosyong inalok sa kanya ni Galindez.

Ginamit umano siya ni Galindez, mula sa pag-recruit ng mga member hanggang sa pagkuha ng mga magpapadala ng mga bagahe sa UAE. Masaya siya sa ginawa niya dahil bukod sa pagkakaalam niya na lalaki ang pera niya ay nakatutulong siya sa mga kapwa niya dahil nakakapagnegosyo rin ang mga ito.

Buwan ng Setyembre ngayong taon nang bumalik sa bansa ang aking ama habang nanatili si Galindez sa UAE. Dito niya nadiskubre ang kaliwa’t kanang panggugulang at panloloko ni Galindez sa mga miyembro nito. Ang ipina-raffle na motor at ang libreng tour sa mga miyembro ay hindi totoo. Lugi at walang pera ang 1Naturaleza na dahilan kaya hindi nakaka-payout ang marami, ganoon din ang RTT Cargo.

Sobrang lumo ng aking ama, nang kumpirmahin ito sa kanya ng kanilang mga tauhan sa Burgundy office nang magpatawag siya ng meeting.

Sa totoo lang, awang-awa ang mga tauhan ni Galindez sa aking ama dahil alam nilang wala itong alam sa operation, pero hindi niya pwedeng sabihin sa mga miyembro dahil hindi sila maniniwala, na siya mismo ay nagoyo.

Nang kumprontahin ng aking ama si Galindez, nakikinig po ako noon kasi naka-speaker phone ang daddy ko sa harap ko. Kung ano-anong paliwanag ang sinabi ni Galindez, na ang mga motor daw ay ilalabas pa lang at babayaran daw niya ang mga utang na ginawa niya na nasa pangalan ng aking ama.

Sabi nga ng aking ama, ang laki na ng perang naibigay niya kay Galindez, bakit pa siya mangungutang.

Ang post po na ito ay hindi para iligtas ang aking ama sa kaliwa’t kanang batikos ng mga miyembrong hindi nakakakuha ng kanilang payout, kundi para ilabas ang tunay na dahilan ng kanyang pagbibitiw, na siya mismo ay na-scam ni Galindez na pinakasalan niya sa Dubai, dahil sa sinabi ni Galindez na bawal sila magsama sa iisang bahay kung hindi sila kasal. Bago pa umano siya dumating sa UAE ay naayos na ni Galindez ang papel para sa kanilang kasal, a-attend na lang siya kumbaga.

Masakit sa aking ama na maraming sumama sa kanya sa networking pero katulad din niyang naloko.

Sa mga warrant na nakita namin, sanay na sanay na si Galindez sa kanyang mga galawan, sabi nga niya “I’m a networker all my life”. Hindi basta-basta ang malabasan ka ng 5 warrants of arrest dahil sa kasong Estafa o panlilinlang.

 

246

Related posts

Leave a Comment