ANG KAWAWANG MINDANAO

SA TOTOO LANG

Ang mga nangyayaring kaguluhan sa Mindanao ay ma­tagal nang problema ng bansa.

Hindi na iyan bago sa ating mga Filipino dahil maraming administrasyon na rin ang humawak sa Pilipinas pero ang hidwaan sa Mindanao ay hindi pa rin maalis-alis.

Ilang mga engkwentro na rin ang nangyari pero hindi nauubos ang kalaban ng pamahalaan doon.

Pinostehan na rin ng Martial Law ang lugar pero ganoon pa rin.

Nakalulungkot mang sabihin pero parang naisumpa ang Mindanao sa kagulugan. Nakapako lagi sa ganoong pamumuhay ang mga tao roon. Buhay na buhay ang karahasan habang ang mga inosenteng mamamayan ay laging nabubuhay na lamang sa takot at kabiguan.

Laman na rin ng mga balita, kahit noon pa, ang mga nagaganap doon. Nakahihiyang isipin kahit ang mga banyaga ay may sari-sariling karanasan mismo sa karahasang sinapit nila.

May patayang nagaganap doon ngunit ang patayan ay hindi normal, hindi makatao.

Kamakailan lang para maisakatuparan ang pagbobomba sa Sulu ay kailangan pang may magbuwis ng buhay para sa walang kwentang gulo – sila ang tinutukoy nating suicide bombers.

Baka sa hindi matapus-tapos na sigalot sa parteng iyan ng Pilipinas ay may sistemang hindi na talaga uubra o hindi naaayon. Sa paulit-ulit na hindi pagkakasundo ng mga tao roon ay may maling mga sistema lang din ang paulit-ulit na nangyayari. Sistemang kinalawang na.

Maraming henerasyon na ang dumaan at nakaranas sa hirap sa Mindanao kahit pa sana ay malaki ang potensyal nito na gumanda ang ekonomiya dahil mayaman naman talaga ang Mindanao kung tutuusin. Pero nilulugmok lamang sa kahirapan dahil maraming iwas sa lugar na ito dahil sa bumabalot na kaguluhan.

Sana mas tutukan din ng nasa gobyerno ang Mindanao. Sila naman ang nakaaalam sa dapat gawin. Sila ang mga opisyal na may koneksyon, kapangyarihan at nasa posisyon para pondohan ang maayos na pamumuhay ng lugar na iyon.

Ang Mindanao ay parte ng imahe ng bansa, anuman ang nagaganap doon ay pananagutan ng pamahalaan. Huwag naman sana nilang kalimutan iyan. May mga buhay roon na may halaga katulad ng halaga ng buhay ng mga tao sa gobyerno. (Sa Totoo Lang / ANN ESTERNON)

159

Related posts

Leave a Comment