ANO ANG DAHILAN NG DESTABILIZATION PLOT?

KAALAMAN Ni MIKE ROSARIO

MAY nakarating sa KAALAMAN na ang dahilan ng destabilization plot ay ang pagpapalit ng pamunuan ng militar.

Noong isang araw, ­maraming nabigla sa isyu ng pagpapalitan nina Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff Gen. Bartolome Vicente Bacarro at Gen. Andres Castor Centino.

Ang seremonya ay ­pinangunahan ni ES Lucas Bersamin na ginanap mismo sa Camp Aguinaldo, Quezon City.

Kung babalikan natin ang nakaraan sa ilalim ng ­administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ang nakapwestong AFP Chief of Staff ay si Centino.

Pagpasok ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., noong Hulyo 2022 ay inalis si Gen. Centino at pinalitan ni Gen. Bacarro.

Alam ng marami na si Gen. Bacarro ay bata ni PBBM dahil siya ang naglagay nito at si Gen. Centino ay tao naman ni PRRD.

Hindi pa man umiinit ang puwet ni Gen. Bacarro at hindi pa nadadagdagan ang tatlong bituin sa kanyang uniporme ay pinalitan na siya agad ni Gen. Centino. Anyare?

Pinalitan ni Bacarro si ­Centino tapos ngayon nagpalit uli silang dalawa?

Nagdududa tuloy ang taumbayan na ito ang dahilan ng umugong na destabilization plot.

Si Bacarro ay pinuri pa ni Bersamin sa seremonya ng ­palitan ng posisyon, na isa siyang magaling na sundalo na may medal of valor, may silbi pa ba ‘yun? Tanong ng taumbayan.

Alam natin na propesyonal ang ating mga sundalo, pero tao lang din sila at may puso’t damdamin.

Tila nadadamay sila sa ­sobrang pamumulitika sa bansa natin.

Mas makabubuti na hindi sana sila mapasukan ng pulitika para nasusunod ang tinatawag na chain of command sa kanilang hanay.

Naalala ko noong panahon na estudyante pa ‘ko, ang sinasabi sa militar na “Obey first before you complain”.

At siyempre, ‘pag ‘yan ang nasusunod ay wala tayong problema.

Masisira lang ‘yan kung mapasukan sila ng politikong pansariling interes lamang ang iniisip.

Kaya pumapasok na riyan ang tinatawag na destabilization plot.

‘Pag nangyari ‘yan ay lalong malulubog sa kahirapan ang bansa natin.

Maganda na sana ang hinaharap ng Pilipinas dahil unti-unti nang nakababawi ang mga negosyo mula sa mahigit dalawang taong pananalasa ng COVID-19 pero kung ganito na naman na bumabalik ang bangungot ng kudeta ay muling lalagpak ang ating ekonomiya.

Kahit na sobrang mahal ng mga bilihin ngayon kahit paano ay unti-unting nakaaalagwa na ang mga Pilipino.

Kung talagang may ­malasakit itong mga politiko natin sa mga Pilipino ay tigilan nila ang sobrang pamumulitika at ‘wag idamay ang AFP.

149

Related posts

Leave a Comment