ANO ANG IBIG SABIHIN NG PAG-IBIG SA INANG BAYAN?

Psychtalk

Nais kong ibahagi rito ang medyo nakalulungkot na kuwento ng isa sa mga kaibigang tinagpo ko sa ibayong dagat nitong i­lang nakaraang linggo.

Tatlumpong taon na siya sa Canada. Aktibo siya sa mga isyung panlipunan doon bilang isang social worker. Hanggang ngayon, kahit citizen na siya roon ay interesado at nakikilahok pa rin siya sa mga usaping kinakaharap ng ating bansa.  Kahit man lang sa pagbabahagi ng kanyang mga opinyon sa social media.

Hanggang sa mapag-usapan ang proseso ng kanyang pagbabago ng citizenship.

Plinano naman sana niyang kumuha ng dual citizenship dahil may mga pag-aari pa rin siya rito. At mula noon hanggang ngayon, masasabing kasama pa rin siya sa mga maituturing na bagong bayaning bumubuhay sa ekonomiya ng bansa dahil regular pa rin naman siyang nagpapadala ng dolyar sa mga naiwang kamag-anak dito.

Ngunit may pagtatampo niyang ikinuwento kung paano siya nakumbinsing maging full-fledged na lang na Canadian citizen. Ito ay nang mabasa niya ang mga kondisyones ng sarili niyang bayan para sa mga nagnanais maging dual citizens. Sabi niya, medyo nasaktan ang loob niya nang malaman niyang ang panguna­hing interes ng pamahalaang Filipino para sa pagkakaloob ng dual citizenship ay dahil itinuturing siyang isang human resource ng bansa. Ibig sabihin dahil nakikita ang kahalagahan niya sa pagpapapasok ng dolyar sa bansa.

Sabi niya, “Sa haba-haba nang panahong nagsikap ako sa ibayong dagat at magpadala ng pera sa bansa ko, ganun at ganun lang din pala ang tingin sa akin. Kung bibigyan man ako ng citizenship ay dahil may silbi ako at may maiaambag ako sa ekonomiya?” Dagdag niya, ano ba namang ilahad daw sa dokumento na bilang isang anak ng bayan na matagal na nalayo, ay ipinagkakaloob pa rin ang citizenship sa kanya dahil sa puso at diwa ay talaga namang isa siyang Filipino na laging handang akapin pabalik ang Inang Bayan saan man siya mapadpad sa mundo. Tama nga naman. Batayang pangangailangan ito, ang maramdamang mahal at welcome ka.

Two-way lagi ang daan dapat. Hindi lang sapat na laging itatanong kung anong magagawa mo sa bansa mo. Ano rin kaya ang magagawa sa iyo ng bayan mo? Gatasan ka na lang ba ng matataas na buwis na madalas ay wala kang magawa kahit na nakikita mo minsan na iyong pinipiga sa iyong pawis at dugo sa pamamagitan ng patung-patong na buwis ay tila hindi naman naibabalik sa iyo?

Iilan lang ang totoong nagpapasasa sa mga pinaghihirapan ng mga ordinaryong mamamayan dito o sa ibayong dagat man. Marami pa ring tanggapan ng pamahalaan ang mas pahihirapan ka ng sistema nila kaysa padaliin ang mga bagay-bagay pag kailangan mo sila. Talamak ang pagnanakaw sa pondo ng bayan. Mismong ako ay sobrang naubusan ng pasensya noong ako ay naglalakad ng simpleng dokumento sa isang ahensya ng pamahalaan – pabalik-balik, halatang may inaantay na iiipit sa papeles.

Marami ang namamatay, pinapatay nang walang kalaban-laban. ‘Di halata pero sistematikong pinapatay ng mga polisiyang nagpapanatili sa karamihan sa kahirapan. Lantaran naman ang pagpatay na sa iyo kung ikaw ay nagkataong nasangkot sa mga aberya o mga itinuturing na krimeng bunga lang din naman ng ‘di makatarungang kalakaran sa lipunan.

Maigi pa nga siguro ang aking kaibigan, nagkaroon siya ng pagkakataong mamili ng kanyang citizenship. At marami pang gaya niya ang ‘di na rin natin siguro masisisi kung ganoon ang mga desisyon nila. Sabi nga ng ilang may isyu sa mga relasyon, paano mo mamahalin nang totoo ang isang taong halata namang ‘di ka tunay na minamahal kundi ginagamit ka lang? Panahon na siguro na bigyang atensyon ng mga ki­nauukulan  ang mga usa­ping nabanggit dito. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)

112

Related posts

Leave a Comment