ANO ITO? MAHIGIT 100 KATAO NABIKTIMA NG FOOD POISONING SA LUCENA CITY?

ANO ba ang nangyari? Bakit ‘di man lang ­siniguro ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon na maging maayos ang kanilang ipinakain sa mga dumalo sa isang pagtitipon?

Sa nakalap na impormasyon ng inyong lingkod, nagkaroon ng isang ­malaking pagtitipon sa ­Quezon Convention Center sa Lucena City, na sa ‘di pa mabatid na kadahilanan, mahigit 100 katao, kabilang ang ilang empleyado ng pamahalaang panlalawigan, ang na-food poison o nakakain ng sira o ‘di maayos na pagkalutong pagkain habang nagaganap ang pay-out ng honorarium sa may apat na libong kasapi ng Provincial Union of Leaders against Illegalities (PULI) at ng Luntiang Katipunero (LK).

Sa pagtaya ng mga kinauukulan, umaabot sa 111 ang bilang ng mga nalason na isinugod sa Quezon Medical Center sa Lungsod ng Lucena kung saan na-admit ang mga biktima.

Ang mga biktima ay pawang kaanib ng PULI at LK na nagmula pa sa mga bayan ng Infanta, Tagkawayan, Tiaong, Calauag, Guinayangan, San Francisco,
Dolores, Pagbilao, Lucban, Atimonan, Perez, Panukulan, Candelaria, Mauban, Lopez, Sariaya, Paridel, Burdeos, Perez, Polillo, Sariaya, Quezon, Quezon, lungsod ng Lucena at Tayabas.

Ayon sa ulat, naganap ang insidente matapos na makapag-almusal ng pritong itlog, hotdog at kanin ang mga biktima na bigla umanong nakaramdam ng pagkahilo hanggang sa magsuka ang mga ito kung kaya’t kaagad namang isinugod sa Quezon Medical Center kung saan sila ay ini-admit matapos lapatan ng paunang lunas.

Samantala, sa Facebook account ni Governor Danilo Suarez ay humingi ito ng paumanhin at pang-unawa sa mga biktima at sinabing isolated case lamang ito.

Mariin ding pinabula­anan ng ama ng lalawigan ang mga usap-usapan na ang LK at PULI ay diumano’y ginagamit ng mga Suarez sa kanilang pamumulitika.

Samantala, inaalam na at iniimbestigahan ng mga kinauukulan ang katotohanan sa likod ng ­naturang insidente, kung saan ­pangunahing pinapaliwanag ang catering services na ginamit sa okasyon na pag-aari umano ng isang Tina Talavera na siyang umaaktong hepe ng Provincial General Services Office ng Quezon.

109

Related posts

Leave a Comment