ANTI-DYNASTY LAW MALABO

0

HINDI na ako umaasa na magkakaroon ng batas na nagbabawal sa dinastiya sa larangan ng pulitika sa ating bansa kung ipapaubaya ang paggawa nito sa mga mambabatas.

Pero, sinisisi ko ang Constitutional framers, o ang mga gumawa ng 1987 Constitution, kung bakit hindi pa kasi nila siniguro nang isulat nila ang konstitusyon na bawal ang pami-pamilya na nagpapalitan lang ng puwesto.

Nakasaad sa Article II Section 26: “The State shall guarantee equal access to opportunities for public service, and prohibit political dynasties as may be defined by law”.

Nangangahulugang kailangang gumawa pa rin ang Kongreso ng batas tulad ng ginawa nila sa ­Sangguniang Kabataan Reform Act of 2016 na nagbabawal sa kabataang tumakbo sa SK kung mayroon silang mga kaanak na halal na opisyal.

Pero, hindi ako umaasa na gagawa ng batas na para liwanagin ang anti-dynasty law at pagbawalan ang pami-pamilya na tumakbo sa iba’t ibang posisyon tulad ng nangyayari ngayon.

Mabibilang mo lang sa daliri mo sa kamay ang mga mambabatas na hindi ­galing sa political family, o may mga kapatid, tatay, nanay, tiyuhin, pamangkin at in-laws na nahalal sa iba’t ibang posisyon, lalo na sa mga local position.

Wala kang makikitang probinsya na walang kaanak si governor, si vice – governor, si mayor, si vice – ­mayor, o kahit si congressman na nakaupo sa mga lokal na posisyon sa kanilang lugar.

Ang uso nga ngayon, ipinapamana na sa asawa ang posisyon kapag wala pa sa tamang edad ang kanilang mga anak na bata pa lamang ang ihinahanda na nila sa pulitika.

Sa mga nagdaan, mayroong nakalusot, pero hanggang isang termino lang sila dahil hindi sila makakuha ng suporta sa kanilang konseho lalo na kung ang mga nakaupo at kaalyado ng tinalo nilang kandidato.

Kung susuwertehin naman ang isang kandidato, siya naman ang magtatayo ng dynasty dahil kapag muli siyang tumakbo, patatakbuhin na ang kanyang mga kaanak sa iba’t ibang posisyon para masiguro ang kanyang katatagan dahil nakatikim na siya ng kapangyarihan.

Ilang beses ding tinangkang, kahit papaano, na ­maghain ang iilang malalakas ang loob ng panukala para maipatupad na ang probisyon sa Saligang – Batas, pero hindi umaabot sa committee level pa lamang.

Noong 2011, tinangka ni yumaong Sen. Miriam Defensor Santiago na buwagin ang political dynasty, pero hindi siya nagtagumpay at may ilang congressmen naman ang sumubok noong 2013, pero walang nangyari dahil sino ba naman ang gagawa ng batas na magpapahina sa iyong kapangyarihan.

Kahit sa mga party-list congressmen, marami sa kanila ang galing sa political dynasty, kaya sino sa kanila ang papayag na isa sa bawat pamilya na lamang ang puwedeng tumakbo?

Kahit sa Senado, marami riyan ang mula sa political dynasty, kaya huwag na tayong umasa na gagawa ang mga iyan ng batas na sila ang masasagasaan, o sila ang madedehado.

Kahit ang pangulo natin may dinastiya rin dahil ­sila-silang mag-aama na lamang ang namumuno sa Davao City mula noong 1986, kaya huwag na tayong umasa na gagawa ang Kongreso ng batas laban sa dinastiya.

Kung ginawa lang ng mga gumawa ng 1987 ­Constitution ang trabaho nila at nilinaw agad ang anti-political dynasty, baka walang political dynasty sa ating bansa ngayon, kaso parang nag-playing safe pa sila eh, kaya ayan namamayagpag ang pamilya ng mga pulitiko.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment