ANYARE SA GOV’T COMPUTERIZATION PROGRAM?

PUNA ni JOEL AMONGO

MARAMING Pilipino ang nagtataka na sa kabila na ang ng lahat n g mga proseso ng mga dokumento sa mga opisina ng gobyerno ay puro computerized na, ay lalo pang tumagal ang paglalabas nito.

Tulad na lang halimbawa ang pag-iisyu ng National Bureau of Investigation (NBI) clearance na kinukuha ng mga nais magtrabaho sa lokal man o abroad.

Dati-rati nakukuha lamang ito sa loob ng isang araw, ngayon sa panahon sa ilalim ng computerization program ng gobyerno, ay umaabot ng isang linggo o higit pa.

Kung ang NBI clearance ay iniisyu sa loob ng isang linggo o higit pa ay mas matindi pa ang Social Security System (ID) na aabutin ng isa hanggang dalawang buwan bago ito dumadating sa mga kumuha nito.

Mas masahol pa ang Commission on Election (Comelec ID) na hanggang sa ngayon, karamihan sa nag-apply nito ay hindi pa nakakukuha.

Idagdag pa ang driver’s license na napakaraming requirements bago ka makakuha nito, kahit pa sa renewal na lang.

Isama pa rito ang napakatagal nang hindi nailalabas na motorcycle plates.

Nariyan din ang pinakabagong National Identification (Nat’l ID) na inaplayan ng mga Pinoy na hanggang ngayon ay wala nang nabalitaan ang mga nag-apply.

Bago pa man magkaroon ng mga computer ang mga opisina ng gobyerno ng bansa ay nangako na ang pamahalaan na magiging mabilis ang lahat ng proseso ng mga transaksyon at pag-iisyu ng requirements.

Ang pangakong ito ay tilang napako na hanggang ngayon ay walang pagbabago.

Imbes na bumilis ay lalo pang naging matagal ang kanilang pag-iisyu ng mga dokumento na kinakailangan ng mga Pilipino.

Bakit kamo? Bago ka makakuha ng requirements tulad ng SSS, Comelec IDs, NBI clearance ay aabutin ka ng siyam-siyam, ika nga.

Hindi ka rin maaaring kumuha nang direkta sa mga opisina ng gobyerno ng mga kinakailangan mong dokumento tulad ng NBI clearance, passport at iba pa, kung hindi ka magpapa-schedule online.

Ang malaking kalokohan pang patakaran ng mga opisina ng gobyerno na nakabubuwisit ay kapag gusto mong kumuha ng valid ID tulad ng SSS ay hahanapan ka na agad ng gov’t issued IDs.

Hindi naisip ng mga ito na kaya nga nag-a-apply ng gov’t issued ID ang tao ay para magkaroon nito, tapos hihingian siya nito.

Kaya nasasabi natin ito ay dahil naranasan din natin ito noong wala pa tayo sa media industry.

Paanong makakaahon ang bansa kung ganitong klase ng mga patakaran mayroon tayo?

Imbes na mapadali sa tulong ng computerization ay naging instrumento pa ito para lalong tumagal ang proseso ng mga dokumento. May mali sa patakaran ng mga opisina ng gobyerno na dapat mabago.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

53

Related posts

Leave a Comment