Mukhang nagkakalimutan na ukol diyan sa multi-bilyon pisong tax credit scam.
Maipaalala ko lang mga kabandila, 1999 hanggang 2001 ako’y nagsilbi bilang press consultant sa Philippine Board of Investments (BOI), isang ahensya ng pamahalaan na naatasang mag-promote ng investment climate sa bansa at humimok ng investors mula sa iba’t ibang nasyon.
‘Yan ding mga taong nabanggit ko na ang isa sa suliranin ng BOI ay ang pagkakadawit nito sa multi-bilyon pisong tax credit scam, na maya’t maya ay naipupukol sa imahe ng ahensya, bagaman sa Department of Finance ito pinal na nai-re-release ay mayroong One Stop Shop sa BOI kung saan ang inquiries at initial na pagpoproseso sa claims ay inihahatag.
Ilang mga opisyal ng DOF at mga pribadong kompanya noon ang nakasuhan ukol sa may higit P9 bilyon na ano¬malya na inipon sa mga bulsa ng mga nagsabwatan mula taong 1992 hanggang 1998. Ngunit namahika ang mga kaso, puro na-dismiss ng Korte Suprema ang plunder charges na ikinaso sa mga DOF officials at ang katangi-tanging na-convict ng Sandiganbayan ay ang isang corporate secretary ng isang pribadong kompanya sa kasong graft na ang involved na halaga ay higit P1 milyon lamang.
Maliwanag, ang maliit na isda iprinito, ang malalaking isda at mga buwaya ay pawang pinakawalan.
Kamakailan naman, nadiskubre at ibinunyag ni DOF Secretary Sonny Dominguez na may P11 bilyon tax credit scam na naman sa departamento. Ang tax credit scam ay direktang pagnanakaw sa kaban ng taumbayan at direktang panloloko sa mamamayan.
Pinapayagan ng tax credit certificate na nagsisilbing salapi rin na ipambayad o ipang-awas ang mga nasabing certificate sa kani-kanilang mga dapat bayaran na buwis sa gobyerno. Ngunit dahil sa sabwatan ng mga opisyal ng DOF at mga pribadong kompanya ay nakakapag-isyu ng tax credit certificates sa mga bogus na claims kapalit ang under-the-table at iba pang konsiderasyon na sila-silang mga nagtransaksyon na lamang ang nakaaalam.
Bakit muling nangyayari ito? Kasi nga pinalusot ng ating mga korte, lalung-lalo na ng Korte Suprema ang mga nasangkot na executives noon ng DOF at maging ang mga may-ari ng mga kompanyang sangkot.
Dapat tutukan ito ni Sec. Dominguez kung hindi ay paulit-ulit na mangyayari ito, at nararapat ding imbestigahan ang mga korteng humawak dito, maaaring nakinabang ang ilang mga husgado rito maging ang ilang mahistrado ng Korte Suprema. (For the Flag / ED CORDEVILLA)
