CLICKBAIT ni JO BARLIZO
IPINANGALANDAKAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nakapagbigay na sila ng kabuuang P17 bilyon na halaga ng serbisyo at tulong pinansyal sa higit 2 milyong benepisyaryo sa iba’t ibang panig ng bansa sa pamamagitan ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF).
Nangyari ang, sabihin na nating may halong pagyayabang, anunsyo ni PBBM sa BPSF Summit sa Philippine International Convention Center sa Manila.
Lagpas P12 bilyon na halaga ng serbisyo at P5 bilyon na tulong pinansyal daw ang naibigay ng gobyerno sa taumbayan.
Ang laki na ng nagagastos ng gobyerno sa kaiikot sa kapuluan para sa serbisyo at ayuda. Nasa 21 probinsya pa lang ang naikot niyan at sa loob ng isang taon ha.
Palalawakin pala ang pag-iikot at pamumudmod ng tulong at ayuda sa 61 pang lalawigan, lalo ang malalayong lugar. Kung sa isang taon ay 21 ang naikot ng serbisyo fair, ibig sabihin, uubusin ang nalalabi pang 4 na taon ni Pangulo sa trono ng Palasyo sa paglilibot ng serbisyo kuno sa kasulok-sulukan ng kapuluan.
Apat na taon pang puro ayuda ang bandera ng programa kaya pagtapos ng termino, nganga pa rin si Juan na hindi makawala sa kaaasa dahil hindi nga naman pinakawalan.
Nararamdaman na raw ng mga Pilipino ang serbisyo ng gobyerno sa ibang parte ng bansa sa pamamagitan ng BPSF.
Ramdam ngayon, pero ‘pag pagpag ng bulsa at wala na ang ayuda, ay iba na ang mararamdaman — kalam ng sikmura.
Lagi kasi pabida tirada ng lider na hangad daw makapagpatayo ng Bagong Pilipinas Serbisyo Center sa iba’t ibang lalawigan upang maipagpatuloy ang paglapit ng serbisyong kinakailangan ng mga Pilipino.
Pero nanawagan naman sa mga ahensya ng pamahalaan at lokal na pamahalaan na ituloy ang pagpapabuti at pagpapalawak ng kanilang serbisyo upang lalong mapalapit sa mamamayan ang pamahalaan.
Ganun naman pala. May papel pa rin ang mga ahensya at lokal na pamahalaan kaya kalabisan na ang serbisyo fair na ginagastusan, pinopondohan pero hindi lahat ay nakikinabang. Malamang indigent ang benepisyaryo ng ayudang datung.
Lagi namang indigent ang puntirya. Binebeybi ang mahihirap at pinatatamis ang kahirapan nang masabing may ginagawa ang gobyerno para iangat ang kalagayan ng mga tao.
Gimik lang naman ‘yang serbisyo fair na pagsasayang ng pera, galawang pulitika at kabilaang mukha.
Kalabisan na ‘yan. Inaalisan nito ng silbi ang mga lokal na pamahalaan, na pwede namang magbigay ng sapat at episyenteng serbisyo. Sabagay, marami rin namang inutil na LGUs.
40