APEKTADO BA NG INFLATION RATE ANG MGA PINOY?

0

MARAMI ang nagtatanong sa PUNA mula sa mga kababayan natin, kung ano raw ba ang inflation rate?

May pakinabang daw ba ang mga ordinaryong mamamayan dito?

Ang inflation rate ay ang pagtataas ng ­presyo ng mga pangunahing ser­bisyo’t produktong ­binibili ng mga kunsyumer.

Mas madaling maiintindihan ito kung pamilyar ang mamamayan sa konsepto ng CPI.

Ano ba ang CPI?

Ang inflation ay ang pag­-taas ng Consumer Price Index (CPI).

Ipinakikita nito kung gaano kalaki ang itinaas ng CPI sa nakalipas na taon o buwan.

Apektado ba si Juan Dela Cruz sa inflation rate? Siyempre dahil lahat po ng mga Pilipino ay apektado sa pagtataas ng mga bilihin.

Pagpasok ng ‘ber months’ na nagsimula nitong Setyembre at ngayon ay halos nasa huling linggo na ng Oktubre at papasok na ang Nobyembre ay ramdam na ni Juan ang pagtataas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa.

Mula piso pataas ang idinagdag sa ­presyo ng mga pangunahing pangangailangan ng mga Pinoy.

Kabilang sa mga ito ang bigas, mantika, isda, asukal, de lata at maging noche buena package ay tumaas na rin.

Sinabayan pa ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Natural ‘pag tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo ay kasunod na
niyan ang pagtaas naman ng presyo ng mga bilihin.

Halos lahat ng mga produktong kailangan ng mga tao ay ginagamitan ng mga produktong petrolyo.

Nariyan na ang paghahatid ng agricultural ­products mula sa mga bukirin patungo sa mga palengke.

Kaya naman asahan natin na ‘pag tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo ay lahat ng mga bilihin ay magtataasan din ang presyo.

Hindi pa man nakababangon sa kahirapan na dulot ng COVID-19 pandemic  ay ito naman ang panibagong pasakit kay Juan dela Cruz.

Ang sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Bagama’t may tinatawag na price monitoring ang Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Agriculture (DA) ay hindi rin nila makontrol ang pagtataas ng presyo ng mga bilihin.

Bakit kamo? Ayon sa mga nagtitinda, kung mataas ang kanilang kuha ng kanilang mga paninda, natural itataas din nila ang benta nito para hindi sila malugi.

Hindi na rin masyadong nabibigyan ng pansin ng gobyerno ang pagtataas ng presyo ng mga bilihin dahil na rin ilan sa mga cabinet member ay nagsipag-resign na sa kani-kanilang mga pwesto para bigyan ng panahon ang pagtakbo nila sa 2022 national at local elections.

May cabinet secretaries ng kasalukuyang administrasyon ang tatakbo sa iba’t ibang posisyon sa eleksyon sa susunod na taon.

Bukod pa riyan ay ­naging kalakaran na rin siguro ng mga negosyante na tuwing papasok ang ‘ber months’ ay nagtataas sila ng presyo ng kanilang mga paninda.

Kaya nagkakaroon ng rason ang ilang mga Pinoy na tangkilikin ang smuggled na mga gulay na itinitinda sa Divisoria, Tondo, Maynila dahil sa mababang presyo nito.

Sabi nga ng ilang nakausap ng PUNA, kuma­kapit na lamang sila sa patalim ngayon dahil sa hirap ng buhay na kanilang ­nararanasan dulot ng ­COVID-19.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0919-259-59-07.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment